Posibleng ilabas na ng hukuman ngayong 2022 ang desisyon sa illegal drug cases na kinakaharap ng dating senador na si Leila de Lima, ayon sa isang opisyal ng Korte Suprema.

"Before the end of the year, these cases may be submitted for decision," banggit ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva kaugnay ng dalawa pang drug cases na nakabinbin sa hukuman.

"[They are] being heard continuously by the assigned judges — 2 RTC (Regional Trial Court) judges in Muntinlupa. So long as the parties will be able to present their evidence, in due time, this will already be submitted for decision," tugon ni Villanueva kay Deputy Minority Leader, ACT Teachers Rep. France Castro sa pagharap nito saHouse Committee on Appropriations.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyong sangkot umano ang dating senador sa paglaganap ng iligal na droga sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa noong kalihim pa ito ng Department of Justice (DOJ).

Matatandaang ikinulong si de Lima sa Philippine National Police-Custodial Center matapos maaresto noong Pebrero 2017.

Noong Pebrero 2021, ibinasura ng korte ang isa sa kinakaharap na kaso ni De Lima matapos mabigong pagtunayan ng prosekusyon ang pagkakasangkot nito sa kaso.