Dahil nakatakdang ipagpatuloy ang face-to-face classes ngayong School Year 2022-2023, layunin ng lokal na pamahalaan ng Pasig City na palalawakin pa ang scholarship program at serbisyo nito para sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Sa flag-raising ceremony nitong Lunes, Agosto 8, inihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga plano ng lokal na pamahalaan na dagdagan ang bilang ng mga iskolar sa lungsod gayundin sa pagtulong sa mga pribadong paaralan na makaligtas sa panahon ng pandemya.

Humigit-kumulang 3,000 pang mga mag-aaral ang pumasa sa proseso ng aplikasyon para sa Pasig City Scholarship Program (PCSP), na nagpapataas ng kabuuang bilang ng mga iskolar mula 20,000 hanggang 23,000 para sa School Year 2022 – 2023.

“Hindi po bababa ang bilang [ng mga scholars]. Every school year, hangga’t nandito tayo, tataas nang tataas ang bilang dahil nakikita natin na marami pang deserving, nangangailangan, at kuwalipikado na kailangan natin bigyan ng scholarship,” ani Sotto.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Layunin ng lokal na pamahalaan na maabot ang 25,000 scholars sa susunod na school year.

Sinabi niya na mayroong 12,000 hanggang 13,000 scholars ng programa noong 2019.

Bago ang pandemya ng Covid-19, tinanggap ng pamahalaang lungsod ang 16,000 iskolar.

Ang bilang ng mga iskolar ay tumaas sa 20,000 sa gitna ng pandemya noong 2020 hanggang 2022.

Ang lungsod ay sumusunod sa mga alituntunin — ang income bracket, at ang grading system — sa pagtanggap ng mga iskolar.

Dahil sa pagbaba ng enrollment rate sa mga pribadong paaralan sa panahon ng pandemya, pinalawig din ng lokal na pamahalaan ang scholarship program nito sa mga estudyante ng pribadong paaralan.

“Hindi naman porket nasa private school ay mayaman. Mayroon rin pong nangangailangan na nagaaral sa private school,” saad ni Sotto.

“Kapag nahirapan ang private school at nagsara ‘yung mga maliliit na private school, sa public school din po ang bagsak nito. Alam naman po natin napupuno din ang mga classroom sa ating public school,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 2,000 iskolar sa mga pribadong paaralan.

Sinabi ni Sotto na patuloy na susuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga pribadong paaralan sa 2023 na ang mga alituntunin ay malapit nang matapos.

Idinagdag pa ng alkalde na mas maraming trabaho ang kailangang gawin, partikular sa streamlining at digitalization ng mga proseso at sistema para sa semester na ito hanggang sa susunod na taon.

Habang dumarami ang mga iskolar kada school year, kailangang i-upgrade ang teknolohiya upang maiwasan ang human errors sa talaan, aniya.

Inihayag ng Pasig City Scholarship Office (PCSO) na ang PCSP ay tumatanggap ng mga bagong aplikante para sa Grade 4 hanggang 6, 7 hanggang 10, at 11 hanggang 12. Ang aplikasyon ay bukas mula Agosto 12 hanggang 25.

Para sa mga mag-aaral na hindi pa naka-enrol ngayong school year o hindi pa nakakatanggap ng kanilang grading records mula sa nakaraang school year, magbubukas ang pangalawang batch ng mga aplikasyon sa Setyembre.

Khriscielle Yalao