Pinaplano na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang pagkakaloob ng pabuyang ₱1,000 sa makapagbibigay ng impormasyon laban sa mga "hindi karapat-dapat" na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng ahensya.

Tiniyak ni Tulfo na ibibigay nila kaagad ang pabuya pagkatapos ng isinasagawang "cleansing" process kung totoo ang kanilang tip o impormasyong ibinigay sa ahensya.

"Patuloy at ongoing pa ang paglilinis namin ng listahan. Siguro after that, kapag may narinig pa rin tayong mga kababayan nating nagrereklamo, pasisimulan na natin ang pagbibigay natin ng reward na₱,1000sa mga tipster," sabi ng kalihim sa isang panayam nitong Lunes.

Binanggit din ng opisyal na nakatanggap na sila ng maraming reklamong idinaan sa kanilang hotline, gayunman, natuklasan nilang hindi totoo ang mga ito.

Kabilang aniya sa mga reklamo ang mga hindi umano karapat-dapat na benepisyaryo na sinasabing nasa listahan ng programa. Gayunman, nadiskubre sa imbestigasyon na hindi kasama ang mga ito sa listahan ng 4Ps.

"Maraming ganon, tumatawag sa hotline namin, agad naming sinisilip, pinapadalhan namin ng tao, tama nga naman, nasa bahay na bato pero wala sa listahan ng 4Ps. Ibig sabihin, 'di sila tumatanggap," pagbibigay-diin ni Tulfo.

Matatandaang inihayag ni Tulfo na tatanggalin sa kanilang listahan ang halos isang milyong "hindi karapat-dapat" na benepisyaryo bilang bahagi ng "paglilinis" ng programa.