Isang taga-Iloilo ang mapalad na nakapag-uwi ng mahigit ₱410 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 habang taga-Cavite naman ang nagwagi ng ₱5.9 milyong premyo ng Lotto 6/42 na kapwa binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi, Hulyo 9.

Sa paabiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na matagumpay na nahulaan ng masuwerteng mananaya ang six-digit winning combination na 02-18-49-07-19-47 ng Grand Lotto 6/55 kaya’t naiuwi nito ang katumbas nitong jackpot prize na ₱401,186,804.80.

Ang kanyang lucky ticket ay nabili ng lucky winner sa Iloilo City sa Iloilo.

Mayroon rin namang 71 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-₱100,000 na second prize sa Grand Lotto 6/55 matapos na makahula ng limang tamang numero.

National

Chel Diokno sa pagtakbo ng Akbayan sa Kongreso: ‘Our record speaks for itself!’

Samantala, matagumpay ring nahulaan ang six-digit winning combination na 27-18-26-13-02-03 ng Lotto 6/42 kaya’t naiuwi na rin ang premyo nitong ₱5,940,000.00.

Ang lucky ticket ay nabili naman ng lucky winner sa Naic sa Cavite.

Upang makubra ang kanilang premyo, kinakailangan lamang ng mga masuwerteng mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at magprisinta ng kanilang balidong identification cards at ang kanilang lucky tickets.

Hinihikayat rin ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon na ng pagkakataong magiging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.

Ang Grand Lotto 6/55ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang Lotto 6/42 ay binubola naman tuwing Martes, Huwebes at Sabado.