Nagtalaga na ang Department of Transportation (DOTr) ng office-in-charge (OIC) ng Land Transportation Office (LTO), kapalit ni dating LTO chief Edgar Galvante.
Si Romeo Vera Cruz ay magiging OIC ng LTO batay na rin sa kautusan ni DOTr Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules.
Ang pagkakatalagala ni Vera Cruz ay nakapaloob sa Special Order No. 2022-130 alinsunod na rin sa Memorandum Circular No. 1 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr nitong Hulyo 1. 2022.
Bago maitalaga sa posisyon, si Vera Cruz ay executive director ng LTO.
Nakapaloob sa special order ni Bautista, gagampanan ni Vera Cruz ang kanyang tungkulin bilang OIC ng ahensya hanggang Hulyo 31, 2022 o hanggang makapagtalaga si Marcos ng kapalit nito.
Matatandang inireklamo si Vera Cruz sa Office of the Ombudsman, kasama si Galvante, kaugnay ng umano'y pag-ipit ng mga ito sa dokumentong may kinalaman sa multimillion-peso project para sa pagsu-supply ng driver's license card na mayroong five-year validity, noong Abril 3, 2017.
Sa nasabing reklamo ng advocacy group na Anti-Trapo Movement (ATM), hiniling nito sa anti-graft agency na imbestigahan sina Vera Cruz at Galvante dahil sa umano'y paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Code and Ethical Standards for Public Officials and Employees), Republic Act 9485 (Anti-Red Tape Act of 2007) at Executive Order No. 2 Series of 2016 (EO 2).
Idinahilan ng ATM, humihiling sila ng dokumento sa tanggapan ni Vera Cruz, nagsilbing chairman ng LTO Bids and Awards Committee (BAC), bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng umano'y irregularidad sa bidding ng proyekto.