Buo ang loob ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan na maituloy ang imbestigasyon sa kontrobersyal na drug war ng Pilipinas sa kabila ng apela ng gobyerno na ipagpaliban na muna ito.

Ito ay nang hilingin ni Khan sa ICC Pre-Trial Chamber na bigyan siya ng go-signal upang maipagpatuloy ng kanyang tanggapan ang pagsisiyasat.

Paliwanag ni Khan, hindi seryoso ang Pilipinas na silipin ang usaping nasasaklawan ng ICC matapos nitong mapag-aralan ang nabanggit na apela ng bansa na maipagpaliban muna ang naturang hakbang.

Aniya, hindi sinisiyasat ng Philippine government ang mga krimeng may kaugnayan sa iligal na droga na naganap bago pumasok ang Hulyo 2016 kung saan nanumpa si Pangulong Rodrigo Duterte sa tungkulin nito.

“The GovPH does not appear to be investigating whether any of the alleged crimes were committed pursuant to a policy or occurred systemically, or whether any person in the higher echelons of the police or government may be criminally responsible. For these reasons alone, the Court should not defer to the GovPH’s investigation,” sabi pa nito.