Binigyan pa ng pagkakataon ang mga pamilya Marcos at iba pang tagapagmana upang makapagharap ng ebidensya hinggil sa kinakaharap na ill-gotten wealth case sa Sandiganbayan.
Sa ruling ng 2nd Division ng anti-graft court, bukod kay Marcos, kabilang din sa inatasan ng hukuman na gawin ito, si Imelda, mga kapatid na sina Imee at Irene, iba pang akusado na sina Isaiah Pavia Cruz at Don Ferry.
Inilabas ng hukuman ang kautusan matapos nitong ibasura ang mosyon ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) na humihiling ideklara ng korte na isuko na ng mga akusado ang kanilang karapatang makapagsumite ng ebidensya sa kaso.
Isinampa ang mosyon ng PCGG matapos mabigong dumalo ang mga akusado sa itinakdang paghaharap ng ebidensya sa Sandiganbayan noong Agosto 13, 2019.
“Admittedly, defendant Marcos, Jr. et. al. did not attend the hearing dated 13 August 2019 set for the presentation of defendants’ evidence. However, in the higher interest of substantial justice, and, considering the court denies the instant motion and hereby gives the defendants another chance to present their evidence in support of their defense,” ayon sa resolusyon ng korte na pirmado nina Associate Justice Arthur Malabaguio, Division Chairperson Oscar Herrera, Jr. at Associate Justice Michael Frederick Musngi.
Itinakda ang paghaharap ng ebidensya sa hukuman sa Hulyo 7.
Ang naturang Civil Case na isinampa laban sa mga dating akusadong sina Imelda at Ferdinand Marcos, Jr. noong 1987 ay may layuning mabawi ang umano'y ill-gotten wealth o ari-ariang umano'y nabili ng mag-asawa, gamit ang pondo ng gobyerno.
Matatandaang tinapos ng prosekusyon ang kanilang kaso noong 2018 matapos ang sunud-sunod na mosyon ng magkabilang-panig.
Kabilang sa akusado sa kaso sina Modesto Enriquez, Trinidad Diaz Enriquez, Rebecco Panlilio, Erlinda Enriquez-Panlilio, Leandro Enriquez, Roman Cruz, Jr. at Gregorio Castillo.