Hindi pagsasayang ng panahon ang imbestigasyon ng Senado laban sa Pharmally Pharmaceutical Corporation kaugnay sa umano'y maling paggamit ng pondong nakalaan sa pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Katwiran ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, marami silang nadiskubre sa imbestigasyon laban sa mga opisyal ng Pharmally at ng gobyerno.
Inihalimbawa ni Drilon ang nadiskubreng umano'y iligal na paggamit ng P42 bilyong inilipat ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) upang pondohan ang pagbili ng Covid-19 medical supplies.
Inilabas ni Drilon ang pahayag kasabay na rin ng patuloy na pangangalap ni Senate Blue Blue Ribbon Committee chairman Senator Richard Gordon ng dalawa pang boto upang makumpleto ang kinakailangang pirma upang magamit ng plenaryo ang kanilang committee report.
“It is not certainly a waste of time, because even if the report cannot be supported by the majority, then we exposed the anomalies which I’m sure has put people on notice and it should not be repeated.Even without a committee report filed, that is already the effect of that investigation. It’s not a waste of time. I dispute that,” giit pa ng senador.
Nilinaw din ni Drilon na kung mabibigo si Gordon na maiharap ang committee report, maaari pa rin itong buhayin sa pamamagitan ng paghahain ng resolusyon upang buksan ang imbestigasyon laban sa Pharmally.