Dinomina pa rin ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang 31st Southeast Asian (SEA) Games sa Vietnam matapos makubra ang gintong medalya sa larangan ng weightlifting nitong Biyernes.
Bago ang makuha ang gold medal, nanalo muna ng isa ring gintong medalya ang Mobile Legend Team na Blacklist International ng Pilipinas sa larangan ng e-sports nang sumalang sa Bang Bang tournament sa Vietnam National Convention Center.
Tinalo ng Blacklist International ang Indonesia, 3-1, sa best-of-five finals.
Pinamunuan naman ni Diaz ang women's 55-kilogram weightlifting event sa Hanoi Sports Training and Competition Centre.
Inilampaso ni Diaz ang katunggaling Olympic champion din na si Sanikun Tanasan ng Thailand, na naunang nakaungos nang makagawa ng bagong rekord sa SEA Games matapos buhatin ang 93 kilograms na mas mabigat sa 92 kilograms na nakuha ni Diaz.
Sa huling bahagi ng kumpetisyon, nagpasiklab si Diaz matapos buhatin ang 114 kilograms na nagresulta ng pagkapanalo nito.
Nitong Biyernes ng hapon, nasa ikalimang puwesto pa ang Pilipinas, tangan ang 42 na ginto, 57 pilak at 80 tanso.