Nadagdagan pa ang mga nahablot na medalya ng Philippine team matapos makapitas pa ng isang ginto ang Pinay na si Samantha Catantan sa fencing sa pagpapatuloy ng 31st Southeast Asian (SEA) Games sa My Dinh Indoor Athletics Palace sa Hanoi, Vietnam nitong Sabado.

Ang naturang medalya ni Catantan sa women’s individual event sa Hanoi Games ay ikawalong ginto na ng Pilipinas. Tinalo ni Catantan ang Singaporean na si Maxine Wong.

Noong 2019, nabigo si Catantan na makapag-uwi ng gintong medalya nakakuha lang ito ng bronze matapos pataubin ni Amita Berthier ng Singapore sa pagsalang nila sa semifinals.

Bukod dito, hindi rin pinalad si Catantan na makapag-uwi ng gold medal nang matalo ng isang Singapoprean sa SEA Games sa Kuala Lumpur sa Malaysia noong 2017.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matatandaang nagpakitang-gilas si Catantan sa debut nito sa Pennsylvania State University noong 2021 kung saan tinulungan nito ang Nittany Lions na makatunton sa ikalawang puwesto sa NCAA tournament.

Si Catantan ay dating fencer ng University of the East (UE).