Nagpahayag ng kumpiyansa si Presidential aspirant Senator Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao nitong Lunes na makakakuha siya ng malaking bilang ng mga boto mula sa Overseas Filipino Workers (OFWs), na nagsimula nang bumoto para sa 2022 na botohan, sa pagbabanggit nng mga batas na kanyang inakda na pabor sa kanila.
“Alam naman ng mga OFWs na at least once upon a time naging fans ko yung mga OFW pag ako ay lumalaban so alam nila na tumatakbo ako. Siguro naman nakita nila yung programa natin dahil matagal na nating pinopost natin sa social media,” ani Pacquiao sa kanyang campaign activity sa Zamboanga Del Norte.
Bukod sa pagmamalaki sa pagiging pinakadakilang boksingero sa buong mundo, naniniwala si Pacquiao na makakakuha siya ng suporta mula sa mga OFW dahil sa kanyang iba't ibang mga hakbang para sa mga OFW, na kinabibilangan ng Republic Act 11227 o ang Handbook for OFWs Act of 2018.
Samantala, hinimok ni Pacquiao ang publiko na panatilihin ang kanilang tiwala sa Commission on Elections (Comelec) sa kabila ng iba't ibang isyu na may kinalaman sa botohan, tulad ng pagkaantala ng paghahatid ng mga election paraphernalia.
“Magtiwala lang tayo sa Comelec at sa lahat ng mga namamahala at sa mga guro na in-charge sa election. Alam naman natin ang trabaho nila, ginagampanan talaga nila ang trabaho nila para makita ang malinis at matagumpay ang halalan 2022,” aniya.
Joseph Pedrajas