Ipagpapatuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang ikatlong yugto ng Service Contracting Program ngayong Lunes, Abril 11, na naglalayong tulungan ang sektor ng transportasyon at ang mga commuter sa gitna ng mga suliraning pang-ekonomiya na bunga ng Covid-19 pandemic.

Sinabi ni DOTR Sec. Art Tugade na ilulunsad nila ang ikatlong yugto ng programa sa Lunes, Abril 11, sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensya ng gobyerno na kinabibilangan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Labor and Employment (DOLE).

May kabuuang 510 bus ang inaasahang magbibigay ng libreng sakay para sa mga healthcare worker at Authorized Persons Outside Residence (APORs) sa EDSA Busway simula Lunes, Abril 11.

“We will also open new routes for public utility vehicles free ride across the country in the coming days,” ani Tugade.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang Service Contracting Program ay may P7 bilyong pondo mula sa General Appropriations Act 2022.

Sa ilalim ng programa, binibigyan ng opsyon ang mga public utility vehicle operator na pumili ng Gross Contract o Net Contract.

Ang Gross Contract ay nangangahulugan na ang mga nakatala sa programa ay bibigyan ng pagkakataong kumita batay sa bilang ng mga paglalakbay na kanilang ginawa bawat linggo, mayroon man o walang pasahero. Ang Net Contract, sa kabilang banda, ay magbibigay ng pagkakataon sa mga operator at driver na kumita mula sa bayad sa pamasahe ng mga pasahero at sa mga paglalakbay na kanilang gagawin kada linggo.

Batay aniya sa ikatlong yugto ng Service Contracting Program, ang payment fore Gross Contract ay itinaas mula P82.50 hanggang P84 para sa mga bus, tourist bus at mini-bus habang ang bayad para sa consolidated modern jeepney at van ay itinaas mula P52. 50 hanggang P54 kada kilometro.

Para sa Net Contract, itinaas din ang bayad mula P45.50 hanggang P46.50 kada kilometro para sa mga bus at mini-bus habang gagawin din ang pagtaas mula P27 hanggang P28 kada kilometro para sa mga jeepney at van.

Sinabi ni Tugade na ang layunin ng Service Contracting Program ay tulungan ang sektor ng transportasyon at ang mga commuterd ahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis gayundin ang masamang epekto ng pandemya.

Ang gobyerno, sa ilalim ng Service Contracting Program, ay magbabayad sa mga operator at driver batay sa bilang ng mga biyahe na ginawa kada linggo.

Ngunit ang programang ito ay binatikos noong nakaraang taon dahil sa pagkaantala ng pagbabayad ng gobyerno sa mga operator at driver.

Aaron Recuenco