Hinikayat ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba’t ibang bansa na bumoto at samantalahin ang isang buwang overseas absentee voting (OAV) na isinasagawa na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng May 9 national and local elections.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, hindi dapat sayangin ng mga OFWs ang kanilang kapangyarihan na bumoto at maghalal ng mga bagong lider ng bansa.
Ipinaliwanag ni Santos na siya ring CBCP Bishop Promoter ng Apostleship of the Sea / Stella Maris – Philippines, na dapat samantalahin ng mga OFWs ang isang buwang Overseas Voting na itinakda mula April 10, 2022 hanggang Mayo 9, 2022.
Ipinaalala pa niya na ang pagboto ay isang patas na karapatan ng bawat mamamayang Pilipino, kung saan kaakibat nito ang katungkulan na maging matalino at mapanuri sa kandidatong ihahalal para sa kapakanan at kinabukasan ng bansa.
“We, at CBCP ECMI and Stella Maris, encourage our dear OFWs in their free time and make the best effort to go and vote from this April 10-May 9 in their respective embassies and consular offices. Always remember mayroon kayong K. Your vote is your Karapatan. Your vote is your Katungkulan. And your vote is your kinabukasan,” panawagan pa ni Bishop Santos sa panayam ng church-run Radio Veritas nitong Lunes Santo.
Hinikayat rin naman niya ang bawat botanteng OFW na isaisip ang kanilang sitwasyon at kapakanan sa pagpili ng mga lider na tutugon dito.
Iginiit ng obispo na dapat na piliin at ihalal ng mga OFW ang mga lider na tunay na magsusulong ng mga karapatan at dignidad ng mga manggagawa sa ibayong dagat; proteksyon sa kapakanan ng mga OFW; at magpaparusa sa sinumang mang-aabuso o magsasamantala sa mga Pilipinong manggagawa sa iba't ibang bansa.
“So you go out and vote, bear in mind your situation as OFWs. Vote for those who protect you from inhuman treatment and unjust practices; those who promote your rights and dignity; those who prosecute those who victimized you,” aniya pa.
Tiniyak naman ng Obispo, ang tuwinang pananalangin para sa kapakanan at kaligtasan ng bawat OFW na naninirahan at nagtatrabaho sa iba't ibang bansa.
“Remember we are always here praying for you and working for safety, salvation and security in life and works,” pahayag pa ni Santos.
Batay sa tala ng Commission on Elections (Comelec), aabot sa mahigit 1.6 na milyon ang bilang ng mga OFWs na rehistradong botante sa iba’t ibang bansa.
Sa ilalim ng panuntunan ng Comelec para sa overseas voting, tanging national positions lamang naman ang kabilang sa kinakailangang ihalal ng mga botanteng OFW na kinabibilangan ng pangulo, pangalawang pangulo, 12-senador at isang party-list group.