Timeout muna sa painit na salpukan ngayong ramdam na ang election fever. Kilalanin natin ang ilan sa mga bantog na "hottie" at "cutie" na tumatakbong kandidato sa kanila-kanilang mga bayan at lalawigan sa darating na halalan sa Mayo, at 'di umano'y panalo na raw sa puso ng netizens?
Rep. Sandro Gonzales, MARINO Partylist
Si Cong. Sandro Gonzales ay kasalukuyang isa sa mga kinatawan ng MARINO Partylist sa Kongreso. Tubong Davao City, Davao Del Sur si Gonzalez. Matapos makahakot ng patylist ng 677,448 na boto noong 2019 midterm elections, naipanalo ni Gonzales ang puwesto sa 18th Congress kasama si Cong. Macnell Lusotan. Parehong Vice Chairperson si Gonzales ng House Committee on Appropriations at House Committee on Transportation. Muling naghahangad ng panibagong termino si Gonzales sa Kongreso sa darating na Mayo.
Rep. Faustino "Inno" Dy, 6th Legislative District of Isabela Province
Nanunungkulan bilang kinatawan ng ika-6 na distrito ng Isabela Province si Faustino “Inno” Dy. Tubong Echague, Isabela ang 27 taong-gulang na politiko na tumalo kay noo’y San Isidro, Isabela Mayor Abrahim Lim noong May 13, 2019 midterm elections. Si Dy ay nagmula sa kilalang angkan ng mga politiko sa kanilang lalawigan. Isang re-electionist sa parehong puwesto sa Kongreso si Dy sa darating na eleksyon.
Vice Mayor Leo Carmelo "Toto" Locsin Jr., Ormoc, Leyte
Katuwang ni Ormoc Mayor Richard “Goma” Gomez, si Leo Carmelo "Toto" Locsin, Jr. ang tumatayong bise-alkalde ng Ormoc City. Si Toto ang ikalawang anak ng kilalang mag-asawang politiko sa lalawigan na sina Leo Carmelo Locsin Sr. at Victoria L. Locsin. Noong Oktubre 2021, naghain bilang ikatlong nominee ng An Waray Partlylist si Toto. Ang “hottie” vice mayor ay kababata rin ng asawa ni Goma na si Leyte Fourth District Representative Lucy Torres.
Rep. Juan Fidel Nograles, 2nd Legislative District of Rizal Province
Kinatawan ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Rizal ang abogado at Harvard Masters’ degree holder na si Juan Fidel Nograles. Nagtapos sa Ateneo De Manila University sa programang abogasya, si Nograles ay kasalukuyang Vice Chairperson ng parehong House Committee on Higher and Technical Education, House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous People at House Committee on Justice. Isa ring law professor si Nograles sa De La Salle University. Tumatakbong kinatawan ng ikaapat na distrito ng Rizal si Nograles ngayong Halalan 2022.
Alexander “Sandro” Araneta Marcos
Si Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos, 27, ang panganay sa tatlong anak ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Atty. Liza A. Marcos. Nagtapos is Sandro sa University of London sa kursong Bachelor of Science in International Politics noong 2016.Sunod na nakuha nito ang kanyang Master’s Degree in Developmental Studies sa London School of Economics and Political Science. Sasabak sa politika bilang kinatawan sa Kongreso ng unang distrito ng Ilocos Norte ang batang Marcos sa Halalan 2022.
Vice Mayor Sebastian "Baste" Duterte, Davao City
Unang salang man sa politika ni Sebastian “Baste” Duterte bilang ka-tandem ng kapatid na si Sara Duterte noong 2019, panalo agad sa pagkabise-alkalde ng Davao City ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kilala sa kanyang fanbase na kadalasa'y mga kababaihan, ang 34 taong-gulang na surfer, bokalista ng banda at dating travel show host ay nag-aasam na maging alkalde ng Davao sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Rep. Vincent Franco "Duke" Frasco, 5th Legislative District of Cebu Province
Tubong Liloan Cebu si fifth district Rep. Vincent Franco “Duke” Frasco. Siya ay anak ni dating Liloan Mayor Panphil “Dongdong Daku” B. Franco at asawa ng kasalukuyang alkalde ng bayan na si Atty. Ma. Esperanza Christina Garcia Codilla Frasco. Nagtapos si Frasco sa Loyola Marymount University sa Los, Angeles California sa kursong Accounting and Business Administration. Kasalukuyan niyang pinamumunuan ang House Committee on Visayas Development sa Kongreso. Naghahangad ng re-election si Frasco sa Mayo.
Javier "Javi" Benitez
Mula showbiz ay sa politika naman sumabak ang 26 taong-gulang na si Javier “Javi” Benitez. Tatakbong alkalde ng Victorias City sa probinsya ng Negros Occidental ang Star Magic artist na anak ng dating Negros Occidental congressman Albee Benitez. Unang lumabas sa mga serye ng ABS-CBN na “The General’s Daughter” at “Walang Hanggang Paalam” si Javi. Kilala rin ang batang politiko bilang boyfriend ng Kapamilya star na si Sue Ramirez.
Mayor Faustin "Kiko" Dy, San Fabian Echague, Isabela
Ang alkalde ng San Fabian sa Echague, Isabela na si Francis Faustino “Kiko” Dy ay anak ni Isabela Vice Governor Faustino “Bodjie” III. Kilala ang "cutie" mayor sa kanyang “mano po” na pambungad sa tuwing makikipagsalamuha sa mga nakatatanda sa kanyang nasasakupan. Nais ng alkalde na isulong ang imprastraktura at livelihood development sa lalawigan. Siya rin ay kapatid ng naunang naitampok sa listahan na si Cong. Faustino “Inno” Dy ng ika-6 na distrito ng lalawigan ng Isabela.
Mayor Niel Lizares, Talisay City, Negros Occidental
Nagsisilbing alkalde ng Talisay City, Negros Occidental si Nilo Jesus Antonio Lizares o mas kilala bilang si Neil Lizares. Sa edad na 45 anyos, hindi maikakailang napanatili nito ang angking karisma at looks. Noong Oktubre 2021, si Lizares ay naghain ng kandidatura para muling asamin ang panibagong termino bilang alkalde ng kanilang bayan.