Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Officer-In-Charge (OIC) Oscar Gutierrez na may dalawang self-administered COVID-19 antigen test kits na silang inaprubahan.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Gutierrez na ang naturang mga antigen self-test kits ay gawa ng Abbott at Labnovation Technologies, Inc..

Ayon kay Gutierrez, ang Panbio COVID-19 antigen self-test ng Abbott at SARS-CoV-2 antigen rapid test self-test for home use ng Labnovation ay nakatanggap na ng special certification mula sa FDA.

Iniulat rin niya na mayroon nang kabuuang 86 antigen test kits ang inalis na sa merkado.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi nila na-meet ang RITM performance validation habang mayron silang special certification o 'di kaya 'di po sila rehistrado, authorized o kaya sinurender ng special certification holder 'yong kanilang certification,” aniya pa.

“Marami po talaga ditong natanggal sa market dahil 'di po sila pumasa sa standard ng FDA,” dagdag pa niya.

Paglilinaw naman ni Gutierrez, ang pagsusuri sa sarili ay isa lamang sa mga pamamaraan upang protektahan ang sarili at kapwa laban sa virus.

Patuloy pa rin niyang hinikayat ang publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 at patuloy na istriktong tumalima sa umiiral na minimum health protocols ng pamahalaan.

Hinikayat rin niya ang publiko na tanging mga self-test kits na sertipikado lamang ng FDA ang bilhin mula sa mga drug outlets na lisensiyado ng kanilang tanggapan.

Mary Ann Santiago