Pormal na ngang nai-welcome si Megastar Sharon Cuneta bilang pinakabagong cast ng longest-running teleserye ngayon na 'FPJ's Ang Probinsyano' nitong Nobyembre 10, 2021, sa mismong ELJ Building ng Kapamilya Network.

'Red carpet' event ang nangyari at sinalubong pa siya ng mga ABS-CBN bosses, kabilang na ang lead actor nitong si Coco Martin, at iba pang mga bagong cast gaya nina John Estrada, Rosanna Roces, at Julia Montes.

Sharon Cuneta kasama ang iba pang cast ng FPJ's Ang Probinsyano/Manila Bulletin

In her perfect era? Maris Racal, may pasabog sa fans!

Sa lahat ng mga bagong 'salta' sa FPJ's AP, bukod-tanging si Shawie lamang ang sinalubong ng ganitong ka-grandiyoso; bakit nga ba hindi, eh siya ang Megastar?

Isa pa, talagang itinapat nila ito sa pagpirma naman ng kontrata ni John Lloyd Cruz bilang bagong Kapuso, sa EDSA Shangri-la Hotel.

Anyway, pagkatapos ng pa-welcome sa kaniya ay sumabak na kaagad ang Megastar sa global press conference hosted by Gretchen Fullido.

May pa-surprise pa ang Megastar sa kung ano ang magiging role niya sa serye: kalaban ba siya o kakampi?

“Malalim ang panggagalingan ng story ng character ko. The role is a bit complicated," ani Mega.

Kaya raw niyang gawin ang lahat ng ipagagawa sa kaniya, maliban sa…

"I’m excited to do anything they want me to do, huwag lang bold. Bangungot yun sa mga manonood,” sabay tawa ni Shawie, na kapansin-pansin din ang pagbawas ng timbang.

Kaya ba siya nagbawas ng timbang dahil pinaghahandaan din niya ang mga action scenes?

“I think meron. Tinanong nga ako ni Coco kung gusto ko raw ng action scenes. Na-miss ko na 'yun. I’ve worked with big action stars, si Coco na lang ang hindi. Pero sorry. I’m bringing back Sharon na nakasanayan n’yo na. Older and wiser. Mostly magiging drama muna," sagot niya.

Handang-handa na rin si Mega sa lock-in taping, na naranasan na rin naman niya sa paggawa ng pelikulang 'Revirginized' na bago rin sa kaniya dahil sa kakaibang role niya rito, katambal ang bagets actor na si Marco Gumabao.

“Ready na ako sa lock-in taping, When I did ‘Revirginized,’ I had a taste of it. It’s for everyone’s’ safety. Mapapalayo ka sa mga mahal mo sa buhay pero it’s for everyone’s safety. I prepare mentally and emotionally because mapapalayo na naman ako sa family ko, a couple of weeks at a time. Hindi ko kaya three weeks to a month."

Isinalaysay rin ni Shawie kung paano naman inilatag sa kaniya ang magiging role sa serye. Aniya, nasa US pa lamang siya ay pini-pitch na sa kaniya ang offer na ito via Zoom meetings, kasama si Coco Martin at si Cory Vidanes, chief operation officer for broadcast ng ABS-CBN.

Hindi nagpatumpik-tumpik na paunlakan ito ni Mega dahil malaking oportunidad ito sa kaniyang showbiz career, lalo't ito ang kauna-unahan niyang teleserye sa ABS-CBN, sa haba ng panahon niyang pananatili bilang isang Kapamilya.

Though, siya ang bumida sa comedy series na 'Madam Chairman' noong nasa TV5 pa siya.

“When the story was pitched to me, it was a no-brainer. Sino ba yung ayaw maging part ng ‘Ang Probinsyano?’ Ang nerbyos ko lang is paano kaya gumawa ng teleserye everyday. Sanay ako sa movies. At ang laki-laki ng papasukin ko na serye because it’s been No. 1 for six years. Oo agad ako. My family is excited to see me in the show. Sobrang thrilled ako."

“Right on the spot (I accepted the role). Pinag-usapan na lang namin yung details sa Zoom. It’s also a dream come true. It’s really an honor to be part of the cast. It’s heart-warming na pinaghandaan ang character ko. Sabi ko nga punta na tayo ng Ilocos,” dagdag pa niya.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit agad na napapayag si Sharon at hindi nagdalawang-isip na tanggapin ito, ay dahil hango ang serye sa pelikulang 'Ang Probinsyano' ni Da King Fernando Poe, Jr. na matalik na kaibigan ng Megastar.

“The biggest stars are the humblest. Ehemplo siya ng humility like Tito Dolphy. He was a good person, humble, kind, at nakakatawa. At dumadalaw siya sa set ko. Close ako sa kanilang mag-asawa. In FPJ, I have a father, a protector. So many memorable memories with FPJ.”

Excited na rin ang mga Kapamilya kung magpapang-abot ba ang mga karakter nila ni Lorna Tolentino, na isa ring premyado at beteranang aktres. Gumaganap si Lorna bilang kontrabidang First Lady na si 'Lily'. Tiyak na umaatikabong bakbakan ng aktingan ito!

Anim na taon nang namamayagpag ang FPJ's Ang Probinsyano kahit walang prangkisa ang Kapamilya Network dahil patuloy pa rin itong sinusubaybayan ng mga manonood, sa partnered free tv channels (TV5 at A2Z), cable channels, at digital platforms ng Kapamilya Network.