Naantig ang damdamin ng mga netizens sa kuwento ni Nanay Leticia Ferre, isang lolang tindera na nagtutulak ng kaniyang rolling store sa ilalim ng katirikan ng sikat ng araw, sa kahabaan ng Fairview, Quezon City.
Ayon sa Facebook page na 'One Philippines', si Nanay Leticia ay isang dating domestic helper sa Hongkong. Sinakripisyo nito umano ang mahabang panahon na hindi kapiling ang limang anak upang mabigyan lamang ng magandang buhay, mapag-aral at hindi danasin ang hirap na dinanas niya.
Sa panayam nila, sa isip umano noon ni Nanay Leticia na okay lang magtiis para sa mga anak, tutal kapag nakatapos sila sa pag-aaral, sila naman mag-aalaga sa kanya. Natapos naman sa pag-aaral ang lima niyang mga anak, nakapagtrabaho at namuhay nag sapat. Subalit nagkaroon na sila ng kani-kanilang pamilya.
Mag-isa na umanong namumuhay si Nanay Leticia. Pinagawan umano siya ng isang anak ng rolling store para matugunan ang pang-araw-araw niyang pangangailangan. Sa ngayon umano ay namumuhay mag-isa si Nanay Leticia sa isang relocation area sa Fairview. Tanong tuloy ng mga netizens, pinabayaan na ba ng mga anak ang kanilang ina?
Narito ang ilan sa kanilang mga reaksyon at komento:
"Ayokong i-judge yung mga anak niya, baka may iba rin silang kuwento, baka may masakit silang nakaraan kasama si Nanay Leticia. Pero sa kalagayan ngayon ng matanda, parang dapat hindi na siya nagtatrabaho nang ganiyan kabigat. Calling the attention sa mga anak niya."
"Kawawa naman ang isang inang katulad niya. Bakit nila nasisikmura ang ganyan sitwasyon ng kanilang ina, imbes na bigyan nila ng kaginhawahan sa buhay, sila pa mismo nagbigay ng panghanapbuhay ng nanay nila. Matanda na siya."
"Baka naman pinili ni Nanay na magtrabaho pa rin at huwag umasa sa mga anak niya? May mga ganiyan akong kakilalang matatanda. Kahit na anong pilit, ayaw umasa sa bigay ng mga anak nila."
Sa ngayon ay wala pang update kung kumusta na ba si Nanay Leticia, bagama't marami sa mga netizens ang naghahanap sa kaniya, upang mabigyan nang kaunting tulong-pinansyal.