Dedikasyon sa kaniyang tungkulin bilang guro ang pinaghuhugutang lakas ni Dr. Mary Ann "Annie" D. Assong, may asawa, nagtuturo ng asignaturang MAPEH sa Grade 10, sa Emiliano Tria Tirona Memorial National Integrated High School, kaya matiyaga niyang naihahatid sa mga bahay ng kaniyang mga mag-aaral ang learning modules nila, sakay lamang ng bisikleta.
Mismong mayor ng Kawit, Cavite na si Mayor Angelo G. Aguinaldo ang pumuri kay Ma'am Mary Annie matapos mapukaw ang kaniyang atensyon sa mga entry na lumahok para sa kanilang patimpalak na #PadyaKawit, para sa mga siklista sa kanilang bayan. Makikita ito sa mismong Facebook post ng mayor.
"Sa dami ng mga siklistang lumahok sa ating #PadyaKawit, marami po akong nakita na talaga namang amazing at creative na kuha. Maraming salamat po sa lahat ng mga Kawiteño at iba pang mga siklista na lumahok sa ating patimpalak at patuloy na tumatangkilik sa ating Aguinaldo Shrine. Pero may napili na po tayong tunay na deserving na manalo sa ating #PadyaKawit at alam kong marami rin sa inyong magiging agree," ani mayor.
Ang nagwagi sa patimpalak na ito ay walang iba kung hindi si Ma'am Annie. Naantig ang mayor sa kuwentong nakapaloob sa pagiging siklista ng guro, na isa na ring ganap na doktor sa larangan ng edukasyon.
"Sa totoo lang po, nang nagba-browse ako ng mga entry, talagang natuwa po ako at naantig. Siya po ay si Dr. Annie Assong, isang guro mula sa Emiliano Tria Tirona Memorial National High School. Napag-alaman ko po na gamit ang kanyang bisikleta, matiyaga niyang inihahatid ang mga module ng kanyang mga mag-aaral sa ating bayan. Tunay pong nakaaantig at nakabibilib ang kaniyang dedikasyon para sa edukasyon ng kabataang Kawiteño," papuri ng mayor.
"Sakto pong National Teachers' Month din po ngayon at bilang pagpupugay sa sakripisyo ng mga guro, talaga namang deserve ni Ma'am Annie, ang ating #SiklistangMaestra, na manalo sa ating #PadyaKawit. Maraming salamat po sa iyong may puso at malasakit na pagtuturo sa ating mga mag-aaral, Ma'am Annie, congratulations po at ingat sa pagpadyak!"
Sa panayam ng Balita Online kay Ma'am/Dr. Annie, masaya siyang magamit ang pagiging siklista upang magampanan ang kaniyang tungkulin bilang gurong tagapayo sa kaniyang mga 'anak,' sa kabila ng panganib na dulot ng pandemya.
"Naniniwala po ako na ang edukasyon ay para sa lahat. Hindi po dapat maging hadlang ang pandemya upang 'di maabot ng kaalaman ang ating mga mag aaral," aniya.
Karangalan umano bilang siklistang maestra na sa bawat pedal o padyak niya, naaabot niya ang mga mag-aaral at natutulungan silang 'makapadyak' din patungo sa kanilang mga pangarap.
"I realized that I can use my strength to reach my students. Kay inam na maging isang siklistang maestra. Sa bawat pagpadyak ko sa pedal ay isang magandang kinabukasan para sa aking mag-aaral ang nakaabang. Isang karangalan ko bilang guro na maging katuwang nila sa pag-abot na kanilang mga pangarap," paliwanag niya.
May mensahe naman siya mga kapwa-guro na alam niyang 'pumapadyak' din sa hamon ng pagtuturo ngayong New Nornal, hindi man literal na bisikleta ang gamit nila.
"Para sa mga kapwa ko guro, patuloy po nating pag-alabin ang sulo. Ang pandemya ang nagpapaalala sa atin na dapat nating isabuhay ang lahat ng natutunan natin sa ating INANG PAARALAN. MABUHAY ANG MGA GURO! ANG KARUNUNGAN AY TANGLAW!"
Malaki ang utang na loob ni Ma'am/Dr. Annie sa mga pamantasan o unibersidad kung saan niya umano natutuhan ang pagiging isang mabuting guro.
Una na riyan ang Pamantasang Normal ng Pilipinas (Philippine Normal University o PNU) kung saan niya natapos ang Bachelor of Secondary Education major in Physical Education (BSE-PE) noong 1998.
Natapos naman niya ang Master in Physical Education and Sports noong 2008 sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at Doctor of Education major in Educational Leadership sa National Teachers College noong 2014.
Ganyan din ang gawain ng isa pang gurong si 'Sir Japs' mula sa Quezon City, na nagbibisikleta rin kahit Sabado at Linggo, matiyak lamang na nasasagutan o binabasa ng mga mag-aaral niya ang kanilang learning modules.
Congratulations, Ma'am/Dr. Annie! Nawa ay patuloy kayong maging inspirasyon sa lahat!