Inihayag ni boxing icon at Senator Emmanuel "Manny" Pacquiao nitong Sabado, Setyembre 4, na iaanunsyo niya ang mga plano nito bago sumapit ang Oktubre 1 kung magreretiro na sa boxing o mananatili pa rin sa politika.
Sa isang radio interview, sinabi nito na tatalakayin niya ang mga ito sa kanyang pamilya pagkatapos ng anyang quarantine period mula nang dumating ito sa bansa mula sa Las Vegas kung saan natalo sa kanyang laban.
‘’Or I might retire from politics. Ayaw ko ng plastikan,’’ paliwanag niya at idinagdag na napanatili pa rin nitong intact ang kanyang integridad, gayunman, patuloy pa rin umano siyang binabatikos.
Nanindigan si Pacquiao na wala siyang niloloko o kaya ay ninakaw dahil mayroon aniyang Diyos na nagbibigay sa kanya ng lakas.
Nauna nang naiulat na pinaplano na ng paksyon ni Senator Aquilino Pimentel na Partido Demokratikong Pilipino (PDP)-Laban na iendorso si Pacquiao bilang kandidato sa pagka-pangulo.
Mario Casayuran