Tatlo pang mahuhusay na manlalaro ang naimbitahangmaglaro sa national team (NT) na nakatakdang sumabak sa 2021 Asian Women's Club Volleyball Championship sa Thailand sa Oktubre.
Ang tatlong posibleng makasama sa Philippine Women’s Indoor Volleyball Team pool ay sina Choco Mucho players Deanna Wong at Kat Tolentino, at Creamline open spiker Jema Galanza.
Ang ipinakita nilang standout performance sa katatapos na Premier Volleyball League bubble ang naging dahilan upang imbitahan ang mga ito para sa bubuuing dalawang koponan.Napabilib ng nabanggit na tatlong player sina head coach Odjie Mamon at Brazilian consultant Jorge Edson Souza de Brito sa kanilang inilaro sa katatapos na PVL Open Conference
Binabalak ng national team na bumuo ng pool na may 24 na players dahil plano ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na magpasok ng dalawang koponan sa nasabing club championship na gaganapin sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Oktubre 1-7.
Kung tatanggapin ng tatlo ang inbitasyon, makakasama nila sa pool sina Majoy Baron, Mhicaela Belen, Kamille Cal, Rhea Dimaculangan, Kim Dy, Imee Hernandez, Ivy Lacsina, Eya Laure, Dawn Macandili, Dindin Santiago-Manabat, Aby Maraño, Kalei Mau, Ria Meneses, Jennifer Nierva, Faith Nisperos, Mylene Paat, Dell Palomata, Bernadette Pepito, MJ Phillips, Jaja Santiago, Tin Tiamzon, at Iris Tolenada.
Marivic Awitan