Mistulang ultimatum ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health (DOH) hinggil sa tila ipinagmamaramot na special risk allowance (SRA): Bayaran kaagad ang benepisyo ng mga health frontliners. Maliwanag na ginulantang ng Pangulo ang sinasabing pagtutulug-tulugan at pagbibingi-bingihan ng mga kinauukulang mga awtoridad sa naturang ahensiya sa hinaing ng mga health workers -- mga frontliners na mistulang sumusuong sa panganib upang maagapayanan ang mga dinapuan ng nakamamatay na coronavirus.
Wala na akong makitang balakid sa madaliang pagbabayad ng SRA, lalo na ngayon na mistulang Commission on Audit (COA) ang tandisang nagpahayag na ng nabanggit na pondo para sa ating mga health frontliners ay hindi nababahiran ng mga alingasngas; nagkaroon lamang marahil ng hindi maayos na pamamahala na dapat ipatupad sa pagpapalabas o alokasyon ng nasabing mga allowances.
Nakalulungkot na ang gayong biglang pahayag ng COA ay kaagad namang kinagat, wika nga, ng ating mga mambabatas na kagyat ding nagpausad ng mga congressional inquiry upang alamin umano ang katotohanan sa nasabing masalimuot na transaksyon. Ngayong itinuwid na ng COA ang nabanggit na mga isyu, itutuloy pa kaya sa Kongreso ang nakagawiang mga pagdinig na madalas kaysa hindi ay wala namang nararating?
Hindi maiaalis na ang ating mga health workers ay mistulang manggalaiti sa administrasyon dahil sa mistula ring kapabayaan nito na maipagkaloob ang mga biyaya o allowance na katumbas ng kanilang walang pag-aatubiling maglingkod sa mga dapat paglingkuran. Isipin na lamang na magdamag silang nag-aalaga ng ating mga kababayang nakaratay na sa iba't ibang ospital sa iba't ibang sulok ng kapuluan; hindi alintana ang pagod, puyat, gutom at halos walang katumbas na pagsasakripisyo na hinihingi ng mga pagkakataon.
Mapipigilan ba silang magdulog ng sama-samang pagbibitiw sa pagiging frontliner kung hindi naman sila nakadadama ng tunay na pagmamalasakit sa mga awtoridad? At kataka-taka ba na hilingin din nila ang pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng DOH na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque III?
At lalong hindi ba kataka-taka -- at maaaring labis nilang ikinalugod nang marinig ang walang kagatul-gatol na pahiwatig ng Pangulo: Hindi ko papayagang umalis si Sec. Duque; subalit kung siya ang magpupumilit na mag-resign, hindi ko siya pipigilan. Hindi ba maliwanag na nais ng Pangulo na bumitiw na sa DOH ang naturang opisyal?
Kapag ito ay naganap, gusto kong maniwala na lalong madadali ang paghupa ng matinding pagdaramdam ng libu-libong health workers.