Hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito -- ang tinaguriang Buwan ng Wikang Pambansa -- nang hindi binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapayaman sa wikang Filipino o Tagalog. Sa katunayan, hindi lamang sa loob ng isang linggo, tulad ng nakagawian nating Linggo ng Wika, at kahit na sa loob ng isang buwan, tulad ng pagdiriwang natin ngayon, at lalong hindi lamang sa loob ng isang taon dapat gunitain ang sarili nating wika -- kundi araw-araw o sa buong panahon ng ating pamumuhay sa planetang ito.
Biglang sumagi sa aking utak ang masalimuot subalit makabuluhan at matalinong pagpapalitan ng mga argumento nang binabalangkas ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa -- noong panahon ni Presidente Fidel Ramos. Sa isang pagpupulong na dinaluhan ng iba't ibang grupo ng mga mapagmahal at tagapagtaguyod ng wikang Filipino, lumutang ang sa palagay ko ay nagkakaisang paninindigan: buong panahon dapat ipagdiwang at pahalagahan ang wikang Filipino. Kasabay na lumutang ang katotohanan na ang naturang wika ay malaganap na at ginagamit ng ating mga kababayan mula sa Batanes hanggang sa Jolo; na ito ang pinakamabisang behikulo ng komunikasyon ng sambayanang Pilipino, kahit na anong lipi ang kanilang kinaaaniban.
Anupa't sa kabila ng nabanggit na magkakasalungat na mga argumento, paggunita at pagpapahalaga sa wika, tila lalong umigting ang pagsisikap ng mga kapuwa nating mapagmahal sa sariling wika. Kumilos noon ang tinatawag na mga purist o purista upang pagyamanin ang wikang Filipino sa pamamagitan ng paglikha ng mga salitang dapat matutuhan ng ating mga kababayan. Lumutang, halimbawa, ang mga salitang saksisid o sasakyang sumisisid na tumutukoy sa mga submarino o submarine; salumpuwit na katumbas ng upuan o silya; lintiklaw o lintik na ilaw na katumbas ng elektrisidad; at marami pang iba. Dangan nga lamang at tila hindi kinagat, wika nga, ng sambayanan ang gayong mga salita.
Gayundin ang mga pagsisikap na pinaigting ng ilang ahensyang gobyerno. Ipinatupad naman nito ang tinatawag na Taglish -- ang paggamit ng magkahalong Tagalog at English sa pakikipag-usap at maging sa pagsulat ng mga balita at artikulo sa ating mga babasahin. Kapuna-puna na ang sistemang ito ay ginagamit pa hanggang ngayon ng ating mga kababayan, lalo na ang ating mga kapatid sa pamamahayag.
Bilang dagdag sa gayong mga pagsisikap, lalo nating pag-ibayuhin ang pagpapayaman sa ating wikang Filipino -- kasabay ng gayong pagpapaunlad sa iba't ibang dialekto o katutubong wika sa ating bansa. At ito ay marapat isagawa hindi lamang sa loob ng isang linggo, buwan o taon, kundi sa lahat ng panahon.