DAVAO CITY - Sampu sa overseas Filipino workers na pinauwi sa bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa Davao City kamakailan ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at sinabi na sa naturang bilang, tatlo ang nagmula sa Bangladesh at pito naman ang nanggaling ng United Arab Emirates.
“They were already placed on the designated temporary treatment and monitoring facilities (TTMFs) for OFWs,” paglalahad ng alkalde.
Nilinaw nito na makikipag-ugnayan silasa Department of Health kaugnay ng usapin.
Bilang bahagi ng protocol, isasailalim ang mga Pinoy workers sa swab test 48 oras bago ang kanilang flight at inoobliga sila na isumite sa mga awtoridad ang negatibong resulta ng pagsusuri.
Naiulat na dumating sa Davao International Airportang mga ito sakay ng magkahiwalay na flight nitong Hulyo 15 at Hulyo 18.