Nababahala ngayon ang Department of Health (DOH) kaugnay ng pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila sa gitna ng banta ng Delta variant.
“Dito sa NCR, tumaas tayo ng mga 47 percent itong linggong ito compared doon sa nakaraang linggo,” ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III sa isang pulong balitaan nitong Martes, Hulyo 27.
“Sa NCR kasi ngayon nasa a little over 900 cases per day tayo the past week,” dagdag pa niya.
Ang pagtaas aniya ng kaso ay dapat maging “wake up call” sa local government units (LGUs) sa Metro Manila upang mas paigtingin ang kanilang pagsisikap laban sa COVID-19.
“Patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa mga local government unit, sa mga kinatawan ng pribadong sektor, na talagang bantayan ito at talagang gawin ang lahat ng makakaya para maputol ang kadena ng hawaan,” aniya.
“Kinakailangan na gawin ang lahat para hindi magpatuloy. Nagsimula ng tumataas ang mga kaso. So yung talagang aggressive active case finding, community testing, contact tracing….at agressive isolation. Ito pa rin ang napatunayan na solusyon para maibsan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso,” dagdag niya.
Ayon pa kay Duque, dapat ipagpalagay na mayroon nang community transmission ng Delta variant.
“Ang importante ‘wag na tayong maghintay ng resulta na iyon. Kumilos na tayo. Tumugon na tayo as if meron na talaga tayong local and community transmission,” aniya.
Sumang-ayon si Duque sa rekomendasyon ng OCTA Research Group na magkaroon ng “circuit breaker” lockdown o mas maghigpit pa. Gayunman, ito ay pag-uusapan pa ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Analou de Vera