Iminungkahi ng isang grupo ng mga eksperto nitong Martes ang pagpapatupad ng ‘circuit-breaker' lockdown sa Metro Manila matapos na makapagtala pa ang rehiyon ng halos 1,000 new daily COVID-19 cases nitong mga nakalipas na araw. 

Ipinaliwanag ni Dr. Guido David, ng OCTA Research Group, ang reproduction number sa National Capital Region (NCR) ay umakyat na rin sa 1.33, na indikasyon na nagkakaroon ng patuloy na transmission ng virus.

Binanggit na ang reproduction number ng NCR noong nakaraang buwan ay nasa 0.6 lamang.

Sinabi naman ni OCTA Research Fellow Prof. Ranjit Rye na ang mungkahi ng OCTA ay i-adopt ang ginagawa ngayon ng Australia at New Zealand na nagpapatupad ng ‘anticipatory, preventive circuit-breaker lockdowns.’

Eleksyon

Mayor Honey Lacuna, inisyuhan din ng show-cause order dahil sa umano’y vote-buying, ASR

“Ang suggestion ng OCTA, we should adopt what Australia and New Zealand are doing now, which is basically, go early and go hard,” ayon kay Rye, sa panayam sa radyo.

“Ibig sabihin, mayroon tayong anticipatory, preventive, circuit [-breaker] lockdowns po na ang tingin namin, kung gagawin natin ito over the next two weeks,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni Rye na ang two-week lockdown ay makapagbibigay ng sapat na panahon upang makasikad ang vaccination drive ng pamahalaan.

“Para tayong nagre-race, inuunahan natin 'yung Delta. Para tayong nasa Olympics; ang laban natin 'yung Delta tsaka 'yung bakuna. So we're trying to buy time for the vaccination program to finally kick in and make us more resilient,” ani Rye.

Nananawagan rin naman si Rye sa mga mamamayan na maging maingat upang hindi mahawa ng sakit, dahil mabilis aniya ang pagkalat ng COVID-19 cases sa ngayon.

“Mabilis na ho kumakalat. So ang panawagan namin… is mag-ingat po tayo. Hindi po puwedeng magpabaya o magkumpiyansa kasi itong Delta variant na ito, mabilis ho talaga siya kumalat,” aniya pa.

Mary Ann Santiago