Pinayukod ng Pinoyboxer na si Carlo Paalam ang nakatunggaling Olympic veteran na si Brendan Irvine ng Ireland sa kanyang unang laban nitong Lunes, Hulyo 26 sa pagpapatuloy ng Tokyo Olympics competition sa Kokugikan Arena.

Naitala ni Paalam ang 4-1 split decision win, 30-27, 29-28, 28-29, 30-27, 29-28, kontra kay Irvine na isang 2-time Olympian, sa round-of-32 sa men's flyweight class.

Dahil sa panalo, umusad ang 22-anyos na si Paalam sa Round of 16, kung saan niya makakasagupa si Mohamed Flissi ng Algeria, isa namang three-time Olympian sa Sabado, Hulyo 31, dakong 10:48 ng umaga (Philippine time).

Nagpakita ng pagiging agresibo na sinabayan niya ng mabibilis na suntok ang tubong Cagayan de Oro sa mas matangkad na si Irvine sa opening round.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kinakitaan naman ng senyales ng pagiging beterano si Irvine sa second round, gayunman, nakipagsabayan pa rin si Paalam upang agad na makaganti sa bawat patama sa kanya ng katunggali.

Bagamat nakakaramdam na ng pagod, nakalusot pa rin ang Pinoy sa third round sa tulong ng pinakawalan nyang right jabs upang magapi si Irvine.

Marivic Awitan