Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 55 pang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Sa kabuuan, aabot na sa 119 ang nahawaan ng sakit, ayon sa DOH.

Sa ulat ng DOH, University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH) nitong Linggo ng hapon, bukod sa naturang mga bagong Delta (B.1.617.2) variant cases, nakapagtala rin sila ng 94 pang Alpha (B.1.1.7) variant cases, 179 na Beta (B.1.351) variant cases, at siyam na P.3 variant cases sa isinagawang huling batch ng whole genome sequencing.

Sa 55 na bagong Delta variant cases, 37 ang local cases, 17 ang Returning Overseas Filipino (ROFs), at isa ang kasalukuyan pang biniberipika kung local o ROF case.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa 37 namang local cases, 14 ang mula sa CALABARZON, walo ang mula sa Northern Mindanao, anim ang may address sa National Capital Region (NCR), anim mula sa Central Luzon, dalawa mula sa Davao Region, at isa mula sa Ilocos Region.

Isa mga ito ang namatay habang 54 kaso pa ang nakarekober.

“This brings the total Delta variant cases to 119,” anang ulat.

Samantala, sa 94 karagdagang Alpha variant cases naman, 87 ang local cases, isa ang ROF, at anim ang biniberipika pa kung local o ROF cases.

Base sa case line list, isa sa mga ito ang nananatili pang aktibong kaso, dalawa ang namatay at 91 kaso ang nakarekober na.

Sa kabuuan, mayroon nang 1,775 total Alpha variant cases sa bansa.

Sa kabilang dako, sa karagdagan namang 179 bagong Beta variant cases, nabatid na 168 ang local cases, apat ang ROFs, at pitong kaso ang biniberipika pa kung lokal na kaso o ROF.

Sa case line list, dalawa pa sa mga ito ang nananatiling aktibo, isa ang namatay, 175 ang tagged as recovered na, habang hindi pa batid ang kalagayan ng isa pang pasyente.

Sa kabuuan, mayroon nang 2,019 total Beta variant cases sa bansa.

Mary Ann Santiago