Anim na rehiyon sa bansa, kabilang ang Metro Manila, ang mino-monitor ng Department of Health (DOH) matapos na makitaan nang pagtaas ng COVID-19 cases nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasama rin sa binabantayan ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, at Northern Mindanao, na mula sa pagkakaroon ng negatibo, ay nakapagtala na ngayon ng positive two-week case growth rate.
“Six regions have exhibited trend reversals. From a negative to a positive two-week growth rate, [they are] showing an increase in cases in these recent two weeks,” ani Vergeire, sa isang pulong balitaan.
Aniya, ang reproduction number sa Metro Manila ay nasa 1.009, 0.95 naman sa Cagayan Valley, 1.12 sa Central Luzon, 0.98 sa Calabarzon, 1 sa Central Visayas, at 0.91 sa Northern Mindanao.
Sa rekord ng DOH, ang reproduction number o ang bilang ng mga taongnaihahawang isang pasyente ng sakit, na nasa 1 o mas mataas pa, ay indikasyon nang pagkakaroon ng sustained COVID-19 transmission.
Samantala, kinumpirma rin naman ni Vergeire na ang mga rehiyon ng Cordillera, na may reproduction rate na 0.96,at Ilocos, na may reproduction number na 1.09, ay nakapagtatala rin ng positive two-week case growth rate sa loob ng anim na linggo na.
Ang Northern Mindanao, na may reproduction rate na 0.91, at Davao region naman, na may reproduction rate na 0.95, ay masusi ring minu-monitor dahil sa kanilang mataas na ICU utilization rate.
Bukod dito, binabantayan rin ng DOH ang 26 na iba pang lalawigan na nakapagtala naman ng mataas na average daily attack rate (ADAR) at low hanggang moderate-risk two-week case growth rate.
Kinumpirma rin ni Vergeire na ang mga kaso ng sakit sa buong bansa ay tumaas ng 1% mula Hulyo 11-24, kumpara sa mga kaso noong Hunyo 27 hanggang Hulyo 10.
Mary Ann Santiago