Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 6,664 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Lunes, Hulyo 26, 2021.
Batay sa case bulletin no. 499 na inisyu ng DOH dakong 4:00 ng hapon, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na ngayon sa 1,555,396 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Gayunman, sa naturang bilang, 3.5% lamang o 55,140 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Sa aktibong kaso, 93.6% ang mild cases, 2.3% ang severe, 1.61% ang moderate, 1.4% ang kritikal, at 1.1% ang asymptomatic.
Mayroon rin namang 5,766 naitalang bagong gumaling sa sakit ang DOH sanhi upang umabot na ngayon sa 1,473,009 ang total COVID-19 recoveries sa Pilipinas o 94.7% ng total cases.
Samantala, nakapagtala pa ang DOH ng 23 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyon ng COVID-19.
Sa ngayon, mayroon nang 27,247 total COVID-19 deaths ang Pilipinas o 1.75% ng total cases.
Mary Ann Santiago