Magpapatupad ang mga kumpanya ng langis sa bansa ng bawas-presyo sa kanilang produktong petrolyo sa Martes, Hulyo 27.
Ito ang anunsyo ng Pilipinas Shell nitong Lunes kung saan isinabay ito sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag ng nabanggit na kumpanya ng langis, ipatutupad ang bawas na P0.75 sa presyo ng kada litro ng gasolina at P0.60 naman sa presyo ng diesel at kerosene nito.
Hindi naman ng nagpahuli ang Seaoil at Caltex na may kaparehong bawas-presyo sa kanilang produktong petrolyo.
Agad sumunod ang Petro Gazz, PTT Philippines at Total Philippines sa kahalintulad na hakbang.
Ipatutupad ang panibagong bawas-presyo bunsod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.
Nitong Hulyo 20, nagpatupad ng ikasiyam na linggong diretsong pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.Bella Gamotea