Tumaas pa sa 1.08 ang reproduction number ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila na indikasyon na nagkakaroon ng sustained transmission nito sa rehiyon.

Ito ang iniulat kahapon ng OCTA Research Group sa gitna ng nagbabantang panganib ng paglaganap ng Delta COVID-19 variant sa bansa.

Sa kanilang latest monitoring report nitong Miyerkules, sinabi ng OCTA Research Group na ang Metro Manila ay nakapagtala ng average na 744 bagong kaso ng sakit araw-araw mula Hulyo 14 hanggang 20, na mas mataas sa dating average na 629 daily new infections noong Hulyo 7 hanggang 13.

Nakapagtala rin ang National Capital Region (NCR) ng average daily attack rate (ADAR) na 5.39 cases per 100,000 population, ICU utilization na 42%, at positivity rate na 6%.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Una nang sinabi ng grupo na bagamat nakababahala ang pagtaas muli ng mga kaso sa Metro Manila, hindi naman ito dapat na maging sanhi pa nang pagkaalarma, dahil masyado pang maaga upang matukoy kung magpapatuloy ito bilang increasing trend.

Samantala, tinukoy rin ng OCTA bilang high risk ang Davao City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod, Makati, Cagayan de Oro, General Santos, Baguio, Taguig, Laoag, at Mariveles dahil sa mataas na ADAR, ICU utilization o positivity rates.

Ang Davao City pa rin ang nakapagtala ng pinakamataas na average number ng mga bagong kaso na may 218 fresh infections kada araw mula Hulyo 14 hanggang 20.Ang ICU utilization rate nito ay ‘very high’ sa 91%.

Mataas din naman ang ICU utilization rate sa Iloilo City na nasa 99% at ng Taguig na nasa 92%.

Nasa high-risk areas din ang Bacolod, Cagayan de Oro, General Santos, Baguio at Laoag dahil sa ‘very high’ positivity rate.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroong walong aktibong kaso ng mas nakahahawang Delta variant, at anim sa mga ito ang lokal na kaso o walang biyahe sa ibang bansa.

Nilinawpa ng Department of Health (DOH) na kinukumpirma pa nila kung may nagaganap nang local transmission ng sakit sa bansa.

Mary Ann Santi