Patay ang isang bomb expert na lider ng terrorist group na Dawlah Islamiyah at naaresto naman ang dalawang tauhan nito nang makaengkuwentro ng gruponito ang tropa ng pamahalaan sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao, nitong Sabado.
Sa panayam, sinabi ni Lt. Colonel Benjamin Cadiente, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army, na nakilala lamang ang napatay sa alyas "Tong Bomber" na umano'y nasa likod ng pag-atake sa military convoy at sa mga kampo ng militar sa lalawigan.
“He was killed following the 7 a.m. encounter in Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha town,” pahayag ni Cadiente.
Naiulat na lulusubin na sana ng mga tauhan ng 33rd IB ang lugar kung saan nagtatago ang nasabing terorista nang bigla silang paputukan ng grupo na nauwi sa sagupaan at ikinasawi nito.
Kaagad namang sumuko sa militar ang dalawang tauhan nito na sina Nondo Sangalan at Tong Sangalan.
Narekober sa lugar ang isang M14 rifle, mga bala at dalawang explosive devices.
PNA