Nagsasagawa na ang Department of Health (DOH) ng intensibong contact tracing upang matukoy kung may nagaganap nang local transmission ng Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagamat nakapagtala na sila ng 11 local cases ng Delta variant sa bansa ay hindi pa ito nangangahulugan na mayroon na ring nagaganap na local transmission ng mas nakakahawang variant ng virus.
Paliwanag niya, may pagkakaiba ang pagkakaroon ng local cases at local transmission.
Aniya, ang local cases ay nangangahulugan na ang variant ay natukoy mula sa isang indibidwal na hindi klasipikado bilang returning overseas Filipino (ROF) o walang travel history sa labas ng bansa.
Samantala, ang local transmission naman ay nangangahulugan na may ebidensiya na ang mga kaso ng COVID-19 sa isang komunidad ay may kaugnayan sa isa’t isa.
“We have local cases but yung local transmission, we still have to determine dahil gumagawa tayo ngayon ng intensive contact- tracing. Kailangan nating makita kung yun pong mga kaso natin sa community are linked to each other. Sa ngayon po, ‘di pa natin nakikita yan dahil sporadic pa lang yung kaso, nasa iba’t ibang lugar, wala pa tayong nakikitang pagkalink ng bawat isa,” paliwanag pa ni Vergeire.
Matatandaang nitong Biyernes ay una nang iniulat ng DOH na may 16 na bagong kaso ng Delta variant na naitala sa bansa.
Sa naturang bilang 11 ang kinokonsiderang local cases habang ang lima pa ang returning overseas Filipinos (ROFs).
Sa mga lokal na kaso, dalawa ang natukoy sa Metro Manila, anim sa Region 10, dalawa sa Region 6 at isa ang nasuri sa Metro Manila ngunit may address sa Region 3.
Ani Vergeire, sa kabuuan 35 na ang mga kaso ng Delta variant sa bansa at sa naturang bilang, dalawa ang kumpirmadong namatay, habang nakarekober na ang iba pa.
Matatandaang ang unang naitalang namatay dahil sa Delta variant sa Pilipinas ay isang 63-anyos na hypertensive na lalaki, na isa sa mga seafarers ng MV Athens Bridge habang ang ikalawang fatality naman ay isang 58-taong gulang na babae.
“Nagkaroon na po siya (second fatality) ng sintomas five days from the time na nagpakonsulta siya at pagdating niya po do'n sa emergency room ay malubha na po ang kanyang sakit. At doon na po siya binawian ng buhay,” ayon kay Vergeire.
Nilinaw naman ni Vergeire na hindi pa nila natutukoy kung ang naturang pasyente ay bakunado na laban sa COVID-19 nang dapuan ng karamdaman.
Tiniyak niyang magbibigay sila kaagad ng impormasyon sa sandaling matukoy na ang health status ng pasyente.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Vergeire na kinukumpirma na rin nila ang impormasyon na ang isa pang pasyente mula sa Antique ay namatay na rin matapos na dapuan ng Delta variant.
Nauna rito, sa isang Laging Handa press briefing ay iniulat ni Dr. Ma. Sophia Pulmones, chief ng Local Health Support Division sa Western Visayas, na isang COVID-19 patient sa Antique na sinasabing may Delta variant din ang namatay noong Mayo 31.
Ang pasyente aniya ay isang 78-taong gulang na babae, na na-tagged bilang ika-34 kaso ng Delta variant.
Mary Ann Santiago