Nilinaw ng Department of Health (DOH) na nangangailangan pa ng batas o executive order (EO) bago mabigyan ng allowance ang mga volunteer na vaccinators o bakunador sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination.
Ginawa ng DOH ang paglilinaw kasunod ng panukala na pagkalooban ng P1,000 na daily allowance ang volunteer vaccinators.
Ayon sa DOH, sa kasalukuyan, ang ibinibigay sa National Vaccination Operations Centers (NVOC) ay pondo para sa hiring o pagkuha ng mga bakunador, at kanilang suweldo.
Paglilinaw pa nito, sa ngayon ay wala pa namang pormal na request o hiling na natatanggap ang DOH hinggil sa arawang allowance ng volunteer vaccinators.
Gayunman, ipinaliwanag na ang pagkakaloob ng kahalintulad na grant ay kailangan ng legal na basehan, sa pamamagitan ng Republic Act o batas, o EO bago humirit ang DOH ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Nauna nang inihirit ng isang kongresista na sana ay mabigyan ng allowance ang volunteer vaccinators dahil malaking tulong na rin ito para sa kanilang gastusin sa transportasyon, pagkain, at pambili ng bigas.
Mary Ann Santiago