Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na ang lahat ng bakuna na ginagamit ngayon sa Pilipinas ay epektibo laban sa labis na nakahahawang Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), na namiminsala ngayon sa India.

Paliwanag ni FDA Director General Eric Domingo, tanging ang Pfizer at AstraZeneca pa lamang ang may datos sa pagiging epektibo ng kanilang bakuna laban sa Delta variant.

Ang mga bakuna aniya ay epektibo pa rin at nababawasan lamang ang efficacy nito laban sa mutations, gaya ng Delta variant.

“Maganda pa rin coverage to prevent severe illness saka pagkamatay sa COVID-19,” aniya.

National

ALAMIN: Mga paunang lunas para sa sugat na dulot ng paputok

Kaugnay nito, nangangalap na ngayon ng datos ang FDA hinggil sa mga Pinoy na fully-vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna, gayunman, dinapuan pa rin ng COVID-19.

Ikinatwiran ni Domingo, isasapubliko nila ang anumang makakalap na datos sa susunod na linggo.

“Kino-collate namin over the weekend itong data natin and we will be presenting it next week. Nakita natin na meron naman nagkaroon ng COVID even 2 weeks after the vaccination pero mga mild, walang grabe, walang naospital,” ani Domingo.

Nauna rito, napaulat na mayroong 350 health workers sa Indonesia ang dinapuan pa rin ng COVID-19 kahit naturukan na ng Sinovac na mula sa China.

Dahil sa ulat, marami ang nagduda sa bisa ng naturang Chinese-made vaccine.

Gayunman, ipinaliwanag ni Domingo na kung babasahin ang ulat ng Indonesia ay makikitang bagamat mayroong nagkasakit pa rin kahit bakunado na ay mild cases lamang ang mga ito.

Patunay aniya ito na may proteksiyon pa rin sila mula sa malalang karamdaman o kaya ay kamatayan, na dulot ng virus.

Binigyang-diin rin ni Domingo na simula’t sapul pa naman ay sinabi na nila na hindi naman 100% ang bisa ng mga bakuna, gayunman, tiyak na magbibigay ito ng proteksiyon laban sa malalang kaso ng sakit.

“Kung babasahin natin ang report sa Indonesia, although meron ngang mga nagkasakit na fully vaccinated pero mild naman ang kanilang COVID-19 kaya nakita natin na meron pa rin siyang protection for severe disease at pagkamatay,” paglalahad pa ni Domingo.

“Hindi naman 100 percent ang efficacy ng mga vaccines, from the start ay sinabi naman natin 'yun kaya lang kung magkakasakit kayo most likely it will be something mild and manageable,” aniya pa.

Mary Ann Santiago