Muling binura ni EJ Obiena ang national men's pole vault record na siya rin ang may hawak matapos ang kanyang golden performance sa isang pre-Tokyo Olympics tournament sa Germany.
Ito ang ikalawang gold ni Obiena sa huling tatlong tournament na kanyang sinalihan na bumura sa kanyang hawak na Philippine national outdoor pole vault record kahapon (Araw ng Kalayaan dito sa Pilipinas) sa Jump and Fly competition sa Mossingen, Germany.
Nagtala ang Tokyo bound Pinoy pole vaulter ng bagong national record na 5.85 meters upang maangkin ang gold.
Binura nito ang dating record na 5.81 meter na naitala niya noong Setyembre 2019 sa Chiari, Italy na siyang naging daan upang mag-qualify sya sa Tokyo Games.
Sinimulan ni Obiena ang outdoor season ngayong Hunyo sa pamamagitan ng golden performance sa Sweden kung saan napantayan niya ang Tokyo 2020 Olympics qualifying standard na 5.80m.
Inaasahang magtuluy-tuloy ang mataas na momentum ng 25-anyos na si Obiena buhat sa tatlong beses niyang pagbasag sa Philippine national indoor record ngayong taon.
Patuloy pa rin ang pagsasanay ni Obiena para sa Tokyo Games sa ilalim ni Olympic champion coach Vitaly Petrov sa Formia, Italy.Marivic Awitan