TILA yata umiinit ang bangayan ng ilang opisyal sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa naka-pending na module para sa pagpapatupad ng panukalang Motor Vehicle Inspection Registration System (MVIRS), na pansamantalang ipinatigil ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong buwan ng Pebrero dahil na rin sa mga hinaing ng mga motorista at iba pang apektadong grupo ngayong pandemiya.
Bulung-bulungan kasi sa LTO ang pagtatalo hinggil sa MVIRS module na ipinipilit ng ilang kampo na umpisahan na ang pagpapatupad, habang hinaharang naman ito ng ilang grupong apektado nito, lalo na ang mga maliliit na driver / operator ng mga pampublikong sasakyan.
Ang pinagtatalunang module ay kung papaano ipatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang bagong batas na ang bawat sasakyang de-motor na sinasabing “road worthy” lamang ang dapat na maiparehistro upang makabiyahe nang ligtas. Katwiran kasi ng mga tutol dito: “Masasagot ba ng MVIRS kung sino ang dapat sisihin sa mga matitinding aksidente sa kalsada – ang driver ba o ang kanilang sasakyan?”
Kasama sa mga opisyal ng LTO na tutol dito ay si LTO regulation officer Mercy Jane Paras-Leynes na nagsasabing may problema sa sistemang ito na gustong ipatupad ng “Steering Committee” sa bahagi ng “inspection program” ng module ng MVIRS.
Isang halimbawa rito ay ang sinasabing pagdaraan ng testing sa tinatawag na “acceptance committee” na madaling malusutan upang makakuha ng PASSED sa evaluation sheet, gayung hindi naman karapatdapat na mabigyan nito!
Ganito naman parati, kapag may nasisilip kasing malaking ‘pitsa’ o pagkakakitaan sa isang ipatutupad pa lang na panukalang batas, siguradong may mga magbabangayang nakaupong opisyal ng gobiyerno na gustong tumabo sa proyekto!
Ang bangayan ay nagaganap kasabay nang pagtutulak ni DOTr secretary Arthur P. Tugade na maipatupad na ang module ng MVIRS: “We want to prevent the unnecessary loss of lives and property along our roads, dahil ang road crash, hindi namimili ng panahon— may pandemiya man o wala. Hindi ito namimili ng biktima–mayaman man o mahirap, we can all fall victims to this ‘epidemic on wheels.’ Kaya ‘ho dapat lamang na i-address na natin ito. Ito na ang panahon upang magkaroon tayo ng mas maayos at dekalidad na sistema. We have to recover and thrive amid the pandemic, and in the face of this epidemic called road crash.”
Totoo naman na ang mga “unsafe” na sasakyan ay makadidisgrasya at makamamatay, pero depensa ng mga matitinong driver: “Nasa driver po ’yan…’Di naman sinasabi sa statistics natin na ang sanhi ng mga aksidente na maraming namamatay ay dahil sa bulok ang sasakyan. Karamihan sa pagkakaalam namin ay dahil sa kapabayaan ng mga driver!”
Nito lamang nakaraang buwan ay todo-batikos ang inabot ng panukalang ito sa isang hearing sa Senado na pinangunahan ni Senator Grace Poe bilang chairperson ng Senate Public Service Committee, dahil sa ginawang pagsasapribado ng DOTr sa operasyon ng mga Motor Vehicle Inspection Centers. Dagdag gastos kasi ito sa malaking grupo ng mga motorista sa buong bansa.
Dahil pa rin dito, inerekomenda pa ni Senator Poe na isailalim sa pagsisiyasat ng Blue Ribbon Committee ni Senator Richard Gordon ang sinasabing mga maanomalyang transaksyon, na pumapaloob sa mga “accreditations” ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) at ng ilang mga opisyal sa nasabing ahensiya. Ang matindi kasi rito ay ang pagbibigay pahintulot ng DOTr at ng LTO sa ilan nitong empleyado na pumasok sa negosyong ito – ang pagkakaroon ng sariling PMVIC basta lang hindi sila miyembro ng “accreditation committee”.
Aba’y mantakin n’yo naman – ang licensing fee para sa isang PMVIC ay P50,000 lamang kada taon, gayung ang tinatayang kayang kitain nito ay tumataginting na P40 milyon! Oh ano sa tingin n’yo wala bang kutsabahan dito ang ilang opisyal ng dalawang ahensiyang ito? Ikuwento n’yo na lang ‘yan sa pagong!
Hintayin natin ang nakasasabik na pagdinig sa Senado – sa pangunguna nina Senador Poe at Gordon -- na siguradong maglalaglag sa mga opisyal ng DOTr at LTO na gusto na namang pagkakitaan ang panukalang ito, kahit na nasa gitna pa tayo pandemiyang COVID-19. ABANGAN!!!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]