Kabilang ako sa mga nagkibit-balikat nang lumutang ang pagpapalabas ng infomercials upang mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna laban sa nakamamatay na COVID-19 -- infomercials o paanunsiyo na pangungunahan ng mga pulitiko. Kaagad nalantad ang nagkakaisang pananaw ng iba't ibang sektor ng sambayan na naniniwala na ang mistulang panghihimasok ng ilang pulitiko sa pagbalangkas ng gayong mga anunsiyo o advertisements ay nakasisira sa naturang proyekto. Lalo na ngayong umiinit ang tinatawag na election fever kaugnay ng napipintong 2022 national polls.
Naniniwala ako na may lohika ang gayong pananaw ng ating mga kababayan. Hindi malayo na kasangkapanin ng ilang pulitiko ang personal nilang pag-enganyo sa taumbayan sa pagpapaturok ng bakuna na ngayon ay dinudumog ng sambayanan sa mga vaccination centers. Katunayan, may mga insidente na mismong mga pulitiko ang gumagawa ng paraan upang sunduin pa ang sinumang nagnanais magpabakuna.
Walang masama, kung sabagay, ang gayong makabayang misyon ng ilang pulitiko; lalo na ngayon na lubhang kailangang mabakunahan ang lahat ng ating mahigit na 110 milyong Pinoy upang maiwasan, kahit paano, ang pananalanta ng mapanganib na coronavirus.
Subalit ang pinag-uusapan dito ay pagbalangkas ng mga infomercials na hindi dapat lahukan ng mga pulitiko. Magiging epektibo at kapani-paniwala ang isusulong na proyekto kung ito ay lalahukan ng mismong mga kababayan na naturukan na ng bakuna -- lalo na ang mga nakakumpleto na ng dalawa o complete doses; higit na magiging makatotohanan ang gagawin nilang mga infomercials tungkol sa benepisyo ng pagpapabakuna.
Ang tinatawag na mga frontliners na kinabibilangan ng mga doktor, narses at iba pang katuwang na medical staff ay tiyak na makahihikayat sa sambayanan upang magpabakuna. Dapat ding maging bahagi ng proyekto ang pahayag ng karaniwang mga mamamayan, lalo na ang mga maralita, mga indigenous peoples (IPs) at iba pang nasa laylayan ng ating mga komunidad o yaong tinatawag na marginalized sektor of society. Sila sa aking paniwala ang higit na magiging credible na maging bahagi ng mga planong paanunsiyo.
Kasabay ng ganitong paghikayat sa taumbayan na magpabakuna, nakalulungkot mabatid na may ilang sektor na naghahangad wasakin ang kampanya hingiil sa vaccination drive na isinusulong ng administrasyon. Pilit nilang minamaliit ang naturang kilusan sa pamamagitan ng hindi kanais-nais na mga pamimintas: Mapanganib ang epekto ng mga bakuna sa ating kalusugan; walang bisa ito sa paglaban sa nakamamatay na coronavirus, at iba pa.
Sa kabila ng lahat ng gayong mga pananaw, naniniwala ako na ang pagpapabakuna ang magliligtas sa atin, kahit paano, sa kinatatakutan, nakahahawa at nakamamatay na COVID-19. Gayunman, marapat din namang pakinggan ang pananaw ng sinuman tungkol sa pagpapabakuna.