Tapos na raw ang boksing, este ang labanan, kapag nagpasiya si Pres. Rodrigo Roa Duterte na tumakbo bilang vice president sa susunod na taon.

Ito ang pahayag ng Malacañang bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Sen. Imee Marcos na "the fight is over" kapag tumakbo ang Pangulo dahil napakataas ng kanyang trust at satisfaction ratings.

Nag-adopt o nagpatibay ang mga lider ng ruling Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan ng isang resolusyon na humihimok kay PRRD na tumakbo bilang vice president, dahil ang kanyang "steadfast leadership" at "strong public support for his agenda of change" ay makatutulong upang lumusog ang ekonomiya ng bansa. Kailangan din aniya na ipagpatuloy ang socioeconomic agenda ng Presidente na siyang chairman ng PDP-Laban.

Gayunman, sinabi ng Malacañang na nag-iisip pa si Mano Digong kung siya ay tatakbo sa vice presidency pero sinabi ni Imee Marcos na ang bakbakan sa pagka-VP ay tapos na kapag siya ay kumandidato. Hinulaan din ng senadora na ang mga nagnanais na tumakbo bilang vice president ay garantisadong magsisiatras kapag tumakbo si PRRD.

Ganito naman ang pahayag ni presidential spokesman Harry Roque: "Well, I agree with that. It is very clear that based on the data I saw in the last six months, the trust and satisfaction rating of our president has not gone below 90 to 91 (percent) even if his critics are very noisy".

Ayon kay Roque, ang pinag-usapan ngayon ay kung sino ang kanyang makakatambal bagamat wala pang pasiya ang Pangulo. Nang tanungin siya kung sino ang posibleng makatambal ng Pangulo sa 2022: "My guess is as good as anyone’s guess since it's just an opinion, just in case. But I think let's just wait for his decision if he will run for vice president."

May mga grupo na humihikayat sa anak ng Pangulo, si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na tumakbo sa panguluhan sa paniniwalang ang "Duterte-Duterte" tandem ay mahirap na talunin sa May 2022 elections. Ang sabi naman ni Sara, maaari siyang tumakbo sa 2034 at hindi sa 2022.

Sa isang okasyon na inorganisa ng Filipino-Chinese businessmen noong nakaraang Abril, sinabi ni Roque na ang maaaring piliin ni PRRD bilang successor ay kinabibilangan ni Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, at dating senator Bongbong Marcos kapag si Sara at ang dating aide na si Sen. Christopher "Bong" Go ay hindi lumahok sa presidential race sa 2022.

Tanong ng dalawa kong kaibigan: "Hindi ba madalas sabihin ng Pangulo na pagkatapos ng kanyang termino ay aalis na siya sa Malacanang at babalik sa Davao City? E, bakit siya tatakbong VP? Tiyak kapag nanalo siya at ang katambal sa tiket, siya pa rin ang tatayong tunay na lider at Pangulo."

Bert De Guzman