Hindi pa halos napapawi ang matinding galit ng isang ina sa karumal-dumal na pagpatay sa kanyang anak na pinaghihinalaang kagagawan ng isang pulis, isa namang gayon ding nakakikilabot na pagpaslang sa isa namang lola na umano'y kagagawan ng isa ring alagad ng batas. Ang hindi kanais-nais na mga kalupitang ito ang naging dahilan naman ng malabis na panggagalaiti ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na halos kutus-kutusan at yugyugin sa galit ang naturang mga suspek.
Naniniwala ako na ang gayong ikinilos ni Gen. Eleazar ay bunsod ng kanyang matayog na hangaring linisin sa mga pagmamalabis, kalupitan at kawalan ng mabuting asal ang mahigit na 200,000 miyembro ng organisasyon ng mga pulis. Hindi maitatanggi na ang lahat halos ng liderato ng PNP ay pinamugaran ng ilang bulok na itlog, wika nga, na nagbigay ng kasuklam-suklam na imahe sa nasabing ahensiya ng pangseguridad. Isa pa, kapani-paniwala kaya ang pananaw ng ilang sektor ng ating mga kababayan na ang gayong nakaririmarim na mga insidente ay mistulang pasalubong sa panunungkulan ng bagong PNP Chief? Maaring ang ganitong mga haka-haka ay produkto lamang ng malikot na imahinasyon.
Magugunita na sa ilalim ng nakalipas na mga pamunuan ng PNP, naganap din ang karumal-dumal na mga pamamaslang na kinasasangkutan ng tinatawag na mga trigger-happy gun-wielders. Hindi ba isa ring pulis ang buong-kalupitang pumaslang noon sa isang mag-anak sa Tarlac? Kamakailan lamang, binaril at napatay ng kanyang kabaro matapos ang kanilang paligsahan sa pagsusumping.
Hindi ko rin malilimutan ang isa pang kalunos-lunos na sagupaan ng mga pulis at sundalo sa Sulu na naganap sa kasulukuyang administrasyon. Sa aking pagkakatanda, pito ang namatay na kinabibilangan ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Isipin na lamang na kapuwa sila mga miyembro ng mga organisasyon na dapat ay nangangalaga sa ating seguridad, lalo na sa mismong kaligtasan nila. Pagkatapos, sila pa ang magpapatayan. Hindi ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang isinagawang imbestigasyon sa naganap na enkuwentro.
Nakalulungkot ding mabatid na maaring hanggang ngayon, naririyan pa rin ang mangilan-ngilang salot sa PNP. Hindi ba may mga pulis na kung tawagin ay ninja-cops -- mga pulis na kakutsaba ng mga users, pushers at druglords na nahirati na sa pagbebenta ng mga droga na nakukumpiska nila sa mga sugapa sa bawal na gamot?
Natitiyak ko na higit pa rin ang nakararaming pulis na karapat-dapat nating ipagmalaki, huwaran sa pagtupad ng misyon at malinis ang mga pangalan. Marapat lamang na tayo ay magpugay sa kanila sa lahat ng pagkakataon. Sila ang higit na karapat-dapat sa isang misyon: 'To serve and Protect' at hindi 'To serve and to Kill'.