Mukha raw yatang tumatapang na ngayon si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at sa panduduro ng dambulang China sa Pilipinas.

Kalabit nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo, para raw nagkakaroon na ng "B" ang ating Pangulo, lumilitaw na ito at hindi laging nakaurong kapag ang mga usapin ay tungkol sa Tsina.

Marahil ay nabasa sa pahayagan o narinig niya sa radyo at napanood sa TV ang paninindigan ni PRRD sa panawagan ng China na i-withdraw ang ating mga barko sa katubigan sa paligid ng Pag-asa Island.

Buong tigas na tinanggihan ni Mano Digong ang gayong panawagan at sinabing hindi niya papayagang umalis ang mga barko ng Pilipinas kahit isang pulgada sa naturang lugar sapagkat ito ay teritoryo ng bansa.

Kahit daw mangahulugan ito ng kanyang buhay o pagkalagot ng pagkakaibigan sa Beijing, hindi niya paaalisin ang mga sasakyang-dagat ng Pinas sa Pag-asa Island. "May posisyon tayo dito at nais kong sabihin dito at uli ngayon, na yung mga barko natin nandiyan ngayon sa Pag-asa at saan pa, we will not move an inch backward."

Kasama sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at iba pang mga opisyal sa Malacanang noong Huwebes ng gabi, matindi ang pahayag ni Pres. Rody na medyo ikinagulat ng mga nakikinig sa kanyang pre-recorded conference: " Hindi ako magwi-withdraw, kahit patayin ninyo ako. Ang friendship natin ay magwawakas dito."

Ang ganitong pahayag ay patungkol ng Presidente sa kanyang itinuturing na kaibigang Chinese Pres. Xi Jinping. May report na ang Pilipinas ay may dalawang barko sa nasabing lugar kumpara sa mahigit 200 bapor ng China sa paligid ng isla at iba pang mga lugar sa WPS.

Noong nakaraang buwan, sinabihan ng China ang Pilipinas na tigilan ang mga aksiyon na magpapakomplikado sa situwasyon at magpapainit sa sigalot bilang reaksiyon sa maritime exercise na ginawa ng ating bansa.

"Ayaw ko ng away, ayaw ko ng gulo. Iginagalang ko ang inyong posisyon, at dapat ding igalang ninyo ang akin. But we will not go to war," sabi ni PRRD. Maraming puna ang tinatanggap ng Pangulo sa mga kritiko sa pagtangging igiiit sa China na sundin ang 2016 arbitration ruling sa South China Sea na pabor sa Pilipinas.

Samantala, sinimulan ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang isang signature campaign na humihiling kay PRRD na bawiin ang mga pahayag na makasasama sa soberanya at sovereign rights ng ating bansa sa WPS.

Ang Change.org petition ay may titulong "President Duterte should RETRACT his damaging statements on the WPS." Nais ni Carpio na bawiin ng Pangulo sa pangalan ng sambayanang Pilipino ang sumusunod na mga pahayag: "The July 12, 2016 Arbitral Award is "just a scrap of paper that deserves to be thrown to the wastebasket; "Chinese fishermen can fish in the Philippines exclusive economic zone in the West Philippine Sea; and "China is in possession of the West Philippine Sea."

Sinabi ni Carpio, chairman ng ISAMBAYAN coalition, na naglalayong hamunin ang kandidato ni Duterte sa 2022 elections, ang gayong mga pahayag ay labag sa Constitution dahil parang nangangahulugang binibitiwan ng bansa ang sovereign rights nito sa ilalim ng 20216 Arbitral Award at inaamin ding nasa posesyon ng China ang WPS.

Sabi nga ng mangingisda na nagtanong noong 2016 presidential campaign debate kung ano ang gagawin ni PRRD para makapangisda ang Filipino fishermen sa Panatag Shoal malapit sa Zambales, nadismaya siya sa pahayag ng Pangulo na biro lang ang planong pag-jet ski sa Panatag para itanim ang bandilang Pilipino roon at sabihin sa China na "Amin ito."

Mga estupido lang daw ang naniwala sa birong iyon. Sabi ng mangingisda na masama ang loob, hindi raw siya estupido at sayang ang kanyang boto.

Bert De Guzman