Kung totoo ang pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na isang biro lang na sasakay siya sa jet ski papuntang Panatag (Scarlborough) Shoal para itanim o itayo ang bandilang Pilipino roon at sabihin sa China na "amin ito", aba naman, mahigit sa 16 milyong botanteng Pinoy ang kanyang nabiro o nabola noong 2016 presidential elections!
Mga estupido lang daw ang naniniwala sa “jet ski” joke niya noon. Sabi nga ni Sen. Ping Lacson, daming naging estupido na naniniwala sa kanya noon.
Nadaig niya sina Mar Roxas at Grace Poe sa "bolahan" kung kaya natalo at pinulot sa kangkungan ang dalawang may pambansang pangalan kaysa kay Mano Digong na isang probinsiyano at alkalde ng isang lungsod sa Mindanao.
Marami rin ang nagtatanong at nagdududa sa matapang na pahayag ni PRRD na ang isinusulong niya matapos mahalal ay isang "independent foreign policy"--meaning, hihiwalay na ang Pilipinas sa pagsandig sa United States o sa kanino mang bansa.
Pero, parang iba raw yata ang "malayang patakarang panlabas" na ginagawa niya ngayon dahil higit siyang makiling sa China at Russia habang lumalayo sa tradisyonal na kaalyado ng ating bansa, ang bansa ni Uncle Sam. Higit daw ang pagsandig ng ating Pangulo ngayon sa piling ni Pres. Xi Jinping na itinuturing niyang kaibigan. Tanong: "Siya ba naman ay itinuturing na friend ng Pangulo ng may 1.3 bilyong populasyong dragon sa Asya?"
***
Tinanggihan ni ex-DFA Sec. Albert del Rosario ang hamon ni presidential spokesman Harry Roque sa isang debate. Sa isang pahayag, sinabi ng malumanay magsalitang dating Kalihim ng Ugnayang Panlabas na: "Hindi isang mabuting paraan ang debate para sayangin ang ating mga oras."
Hinahamon ni Roque si Del Rosario sa isyu ng West Philippine Sea (WPS). Sa halip na hamunin ang mga kritiko sa isang pagtatalo, sinabi ng ex-DFA Secretary na dapat pakinggan ng administrasyon ang mga mamamayang Pilipino at matutong tumayo at manindigan sa panduduro ng dambuhalang China.
Bukod kay Del Rosario, hinamon din ng Tagapagsalita ni PRRD si Vice Pres. Leni Robredo. Tinanggihan ito ni Leni sapagkat wala raw mangyayaring mabuti sa pakikipagdebate kay Roque. Una rito, hinamon ng ating Pangulo si retired Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio tungkol sa WPS.
Tinanggap nang buong lugod ng retiradong mahistrado ang hamon, pero sa bandang huli ay umatras ang Punong Ehekutibo sa payo raw ng kanyang gabinete at ng ilang senador.
Halos isang taon na lamang at magdaraos na ng halalan sa Mayo 2022. Makabubuti sigurong maghintay na lang ang sambayanang Pilipino na pumili at maghalal ng karapat-dapat na pumalit kay PRRD. Gamitin nila ang isip, magsuring mabuti at hindi ang emosyon o pera ang papanaigin. Huwag patangay sa magagandang mga biro at bola, sayaw, kanta at iba pang mga gimik, lalo na sa alok na pera!