Bagama't nakaraan na ang ating paggunita sa World Press Freedom Week, pinalulutang pa rin ng ilang kapatid natin sa pamamahayag ang isang masalimuot na katanungan: Ang pagmumura at mahahayap na parunggit ba ay pinangangalagaan ng tinatawag na freedom of speech and of the press? Maaring ang gayong pag-uusisa ay nakaangkla sa ating Konstitusyon.
Hindi ko na tuwirang sinagot ang naturang katanungan; manapa, ipinahiwatig ko ang palagi kong binibigyang-diin sa mga media forum: Ang anumang karapatan aymaylimitasyon. Ibig sabihin, ang karapatan ng ating mga kapatid na broadcast at print journalist ay hindi dapat sagkaan at marapat igalang kailanma't ang kanilang misyon ay hindi taliwas sa umiiral na batas.
Hindi maililihim namaypagkakataon na ang ilang kapatid natin sa propesyon -- at maging ng ilang mga lider at kababayan natin -- ang lumalabis sa paggamit ng karapatan sa pagsasalita at pagsusulat. Walang pakundangan sa pagsambit ng matatalim at mapanirang mga salita ang ilan sa kanila; samantalang ang ilang peryodista ay wala ring patumangga sa pagyurak sa pagkatao ng binabatikos nilang mga lingkod ng bayan.
Biglang sumagi sa aking gunita ang ilang sinaunang mga komentarista na talaga namang nakagigimbal kung tumuligsa sa sinumang nais nilang duru-duruin, wika nga. Mata lang ang walang latay kung kanilang batikusin. Gayun din ang mga estratehiya ng ilang kapatid natin sa print media.
Ang ganitong sistema o karapatan sa pagtupad sa misyon ng mga miyembro ng tinatawag na fourth estate -- print at broadcast outfit -- ay hindi lubos o absolute. Ang sinumang biktima ng wala sa lugar na pagtuligsa aymaykarapatang magsampa ng asuntong libelo upang ipaglaban ang kanilang karapatan. Hindi ligtas ang sinuman sa ganitong aksyong legal.
Hindi iilang libel case, halimbawa, ang sinagupa ko nang ako ay aktibo pa bilang editor ng pahayagang ito; lagi akong kasama sa asunto sa mga kasong libelo na isinampa laban sa aking mga reporter. Katunayan, kung hindi ako nagkakamali,maymga libel cases pa na hindi pa ganap na naaaksiyunan sa mga hukuman dahil marahil sa kawalan ng interes ng mismong mga inakusahan.
Sa kabila ng ganitong mga pangyayari -- sa pagtupad ng mga miyembro ng media sa kanilang makabayan at makabuluhang tungkulin -- dapat lamang laging isaalang-alang na may limitasyon ang mga karapatan, kabilang na ang karapatan sa pamamahayag o freedom of the press.