ni Dave M. Veridiano, E.E.
KAPAG naisakatuparan ang nabasa at narinig kong mga naka-linyang higanteng proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa na sinusuportahan ng ilang bilyonaryong negosyante rito, ay para ko nang kini-kinita na magsisilbing animo ‘bakuna’ ang mga ito na makapipigil sa kumakalat na sakit ng kahirapan sa buong bansa, na pinalalala ng husto ng pandemiyang COVID-19 nitong nakaraang mga buwan.
Gaya nang nangyayari rin sa ibang bansa, inabot ng ‘Pinas ang pinakamalalang pag-urong ng ekonomiya (recession) simula pa noong World War II, kung ang pagbabatayan ay ang ulat ng Philippine Statistic
Authority (PSA). Pero iba ang fighting spirit ng mga Pinoy, umaasa pa rin ang ating mga economic manager na makaahon tayo sa mas madaling panahon, sa muling pagbubukas – kahit na dahan-dahan lang – ng mga negosyo, lalo na ng mass transportation sa buong bansa.
Ang maganda rito sa atin, may mga malalaking negosyanteng Pinoy na tunay na may puso, inaalagaan na ang kanilang work force, ay tumutulong pa rin sa mga proyektong makatutulong sa bansa, lalo na sa larangan ng imprastraktura, na walang halong pamumulitika – yun lang madalas may nakikisakay na mga pulitiko sa magagandang proyektong ito kaya tuloy nakukulayan ng pulitika.
Kahit nga sa larangan ng pagbabakuna ay ramdam ng mga manggagawa ang pagtulong ng mga malalaking kumpaniyang pinapasukan nila, nang maglunsad ang mga ito ng libreng bakuna upang magkaroon ng pananggalang sa perwisyong COVID-19 ang mga trabahador nito.
Siyempre ‘di pahuhuli rito ang LODI kong negosyante na si Ramon Sy Ang (RSA), ang may-ari ng San Miguel Corporation (SMC), na naglaan ng P1 billion para sa libreng bakuna – bahagi ng programang MALASAKIT ng SMC – para sa 70,000 manggagawa nito. Ani RSA: “It is our civic duty and our best chance at protecting ourselves and those we love. It is the best thing we can do today to help contain this pandemic, protect the vulnerable, and help speed up economic recovery.”
Pero ito ang isang proyekto ng SMC na napipiho kong magpapalaki sa mga mata ninyo – isang skyway na may distansiyang 19.37 km na may 6 lanes, na ang linya nasa ibabaw at gilid ng buong kahabaan ng Pasig River. Ang proyektong ito ay magdurugtong sa buong Metro Manila sa mga lalawigan sa kanluran at hilagang bahagi ng Luzon. Paiikliin nito ang dating biyahe na inaabot ng halos 3 oras sa 15 hanggang 30 minuto na lamang!
Huwag din ikatakot na baka masira at tuluyang mamatay na ang makasaysayang Pasig River, dahil sa proyektong ito ay siguradong huhukayin at lilinisin ang buong ilog – kaya lalo itong lalalim at gaganda para naman sa kapakanan ng mga sasakyang pantubig na dumaraan dito, lalo na ang mga pampasaherong river ferry.
Alam na natin ang pagiging abala ng kumpaniya ni RSA sa malalaking infrastructure projects na makatutulong upang malutas ang problema sa daloy ng trapiko sa bansa, gaya ng katatapos lamang na 18-kilometer Skyway Stage 3 (Skyway 3) at ang dredging ng mga highly silted na mga ilog sa Central Luzon; ang MRT 7 project na may 14 na station mula SM North EDSA hanggang San Jose del Monte, Bulacan; ang Skyway Stage 4, isang 58.09 km roadway mula sa Timogang bahagi ng Metro Manila Skyway patungo sa Batasan Complex sa Quezon City; at ang pinakaaabangan na Bulacan International Airport, na ang disenyo ay may kapasidad na humawak ng 200 million pasahero sa loob ng isang taon.
‘Di po ito paghahanda para sa pagpasok ni RSA sa pulitika, aniya ito lang yan talaga: “Our goal since this pandemic started has been to create as many jobs as we can by pushing through with our major investments. This is how we can best support our economy, and help in a meaningful and sustainable way to the many Filipinos who are struggling through this crisis.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]