ni Ador V. Saluta
Ilang araw nang hindi napapanood sa programang SRO sa Teleradyo si Doris Bigornia nitong mga nakaraang araw, na ikinabahala ng maraming tagasubaybay ng news program. Karamihan ay nagtatanong kung nasaan nga ba si Doris? Espekulasyon tuloy ng ibang netizens, nasibak ba o may dinaramdam ang beteranang lady brodcaster?
Nitong Martes, sa parehong programang SRO, iniulat ng ka-tandem niyang si Alvin Elchico na ang kanyang ‘partner’, ay inatake sa puso nitong Linggo at kasalukuyang nasa ICU ng isang ospital. Humihingi ng dasal si Alvin para kay Doris dahil sasailalim ito sa open heart surgery sanhi ng kanyang heart attack. Ayon kay Alvin, humingi muna siya ng go-signal sa pamilya Bigornia at mismong kay Doris para i-report sa kanilang programa ang tungkol dito. “Siya po’y inatake sa puso noong Linggo, papuntang Lunes, at siya po’y sinugod sa ospital at ngayon po’y nasa ICU. Ka-kaailanganin po ng open-heart surgery. So ang pamilya po [ni Doris] ay humihingi po ng panalangin.
“Ipagadasal po natin na mapagtagumpayan po ni Doris ang susuungin po niyang pagsubok kasi hanggang ngayon (nasa ICU siya). Nakakausap ko siya, conscious po si Doris, pero kakailanganin po niya ‘yong open heart surgery pagkatapos po ng atake sa puso,” malungkot na mensahe ni Alvin. Ganu’n din ang mensahe ni MJ Felipe, showbiz reporter at kasamahan ni Doris, na agad ding kinumpirma ang ‘di inaasahang trahedya sa kaibigan niyang si ‘Doray’, na field reporter ng TV Patrol.
“Please join us in praying for our very good friend @DorisBigornia as she goes thru heart surgery after suffering a heart attack. Doray, kaya mo yan. Maraming nagmamahal sa yo. Fighting Doray!!! We love you!” ani MJ. Nagbigay din ng mensahe ang anak na si Nikki Bigornia sa kanyang Twitter, “Stay strong, ma. Maraming nagmamahal sa ‘yo.”