Nagbabalaang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa posibilidad na pagkalat ng mga tinaguriang ‘W.I.L.D. diseases’ kasunod ng pagtama malalakas na bagyo sa bansa sa mga nakalipas na araw.
Ang W.I.L.D. diseases ay ang mga ‘waterborne at foodborne na sakit, influenza, leptospirosis at dengue’ na karaniwang tumatama sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo dahil sa kawalan ng suplay ng malinis na tubig at pagkain.
“We are very wary of possible outbreak of communicable, waterborne and vector-borne diseases after disasters, lalo pa ngayong may pandemiya na maaring magdulot ng complex situation,” sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III.
Dahil dito, aniya, bago pa lang pumasok ang rainy season ay naglabas na sila ng guidelines para sa regional offices ng DOH upang makapaghanda ng contingency measures laban sa W.I.L.D. diseases.
Inalerto na rin ng DOH ang kanilang Centers for Health Development para sa masusing pagtukoy sa posibleng pagkalat ng naturang mga sakit katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa DOH, ang ‘influenza’ ay karaniwang tumataas sa mga buwan ng Hulyo at Oktubre tuwing tag-ulan.
Ang maruming tubig baha naman ay pinamumugaran ng mga lamok na nagdudulot ng mga sakit tulad ng dengue at malaria, at kung kontaminado ito ng ihi ng daga ay maaari itong magdulot ng leptospirosis.
Samantala, ang kawalan ng suplay ng malinis na tubig ay maaaring magdulot ng iba pang mga sakit tulad ng cholera, typhoid fever, dysentery, amoebiasis, hepatitis A at acute gastroenteritis.
-Mary Ann Santiago