ANG ulat na isang bakunang binubuo para sa COVID-19 ang nagpakita ng magandang resulta ay maituturing na malaking pag-asa sa mundo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng virus.
Ngunit nangangahulugan ba ito na matatapos na ang pandemya? Hindi ganito kabilis, ayon sa mga eksperto, lalo’t nariyan pa rin ang mga katanungan tungkol sa sino ang mapoprotektahan nito at gaano katagal.
Nitong Lunes, inanunsiyo ng American pharmaceutical giant Pfizer at ng katuwang nitong German BioNTech na ang kanilang kandidatong bakuna ay naging 90 porsiyentong epektibo sa pag-iwas na magkaroon ng COVID-19 infection sa kasalukuyang Phase 3 trial nito.
Isa sa mga idine-develop, base ito sa inobatibong teknolohiya na hindi pa naaaprubahan para gamitin.
Bagamat lumilikha na ng matinding pagkasabik ang sinasabing kabisaan nito, at paunang datos lamang ang inilabas, hindi pa natin alam kung gaano kahaba ang itatagal nito, kung mapoprotektahan ang pinaka nanganganib at paano ito maipapamahagi sa buong mundo.
90 PORSIYENTO
Nakabase ang anunsiyo ng Pfizer at BioNTech mula sa interim results mula sa huling hakbang sa kanilang clinical trial bago ito gumawa ng aplikasyon para sa pag-apruba.
Anila, “[the vaccine was found to be] more than 90 percent effective” sa pag-iwas na mahawa ang mga kalahok.
Base ito sa 94 COVID-19 cases na ginamit sa bahaging ito ng trial, kung saan kalahok ang nasa 43,538 tao.
Gayunman, hindi nabanggit sa anunsiyo ang break down ng tala na nagpapakita kung gaano karami sa mga infected patients mula sa grupo na nakatanggap ng bakuna at gaano karami ang nasa grupo na nabigyan ng placebo.
Humahantong ito sa mas malalim na isyu lalo’t ipinamahagi ang resulta sa pamamagitan ng isang press release—na nagtulak upang tumaas ang stock market nito—sa halip na sa isang detalyadong peer reviewed paper sa isang scientific journal.
“These results are extremely interesting,” pahayag ni French virologist Marie-Paule Kieny, pinuno ng research sa Inserm at dating director ng World Health Organisation.
“But we need to wait to see the data, which is not yet available,” saad pa sa AFP.
Patuloy pang kinakalap ang mga datos, partikular para sa kaligtasan, bagamat sinabi ng kumpanya na “no serious safety concerns” ang naganap.
PANGMATAGALANG PROTEKSYON?
Isa pang tanong ay kung hanggang kailan ang itatagal na proteksyon ng bakuna.
Sinusukat ang kabisaan nito pitong araw matapos makatanggap ang pasyente ng final injection ng two-dose vaccine, 28 araw matapos ang initial jab. Nangangahulugan itong hindi pa natin matutukoy ang tagal ng proteksyon, pahayag ni Penny Ward, Visiting Professor ng Pharmaceutical Medicine sa King’s College London, sa Science Media Centre.
“Longer periods of follow up are required during an ongoing outbreak to determine need for repeated booster doses.”
Dahil sa posibleng awtorisasyon ng United States Drug Agency (FDA), sinabi ng dalawang kumpanya na ilalabas din nila ang resulta na sinukat 14 araw matapos ang ikalawang injection.
Ayon kay Bruno Pitard, ng France CNRS national scientific research centre, isa sa mga pagsubok dito ay ang pag-alam kung paano nagbabago ang kabisaan ng bakuna sa pagtagal ng panahon.
“After three weeks, then a month, then two, then three, then four, we will see if the protection is still the same,” aniya.
ANO ANG NAGAGAWA NITO?
Nahihinto ba ng bakuna ang mga tao mula sa pagkakaroon ng COVID-19, o nababawasan lamang nito ang tindi ng sintomas? At maiiiwas ba nito ang isang tao na maikalat ang virus?
Wala pang inilabas na datos na magsasabi sa atin nito.
Isa itong krusyal na situwasyon, ani Ward, dahil kung kayang magbigay ng bakuna ng proteksyon laban sa impeksyon maaari na nating luwagan ang restrictive measures na ipinatutupad upang mahinto ang pagkalat ng virus.
Gayunman, kung nakatuon ito sa pagpapababa ng panganib ng sakit ngunit hindi ang impeksyon, kinakailangan pa rin ang restriksyon “until sufficient numbers of individuals have been vaccinated to protect those at most risk of needing hospital care or of dying from disease from becoming very unwell by catching the infection from a vaccinated, asymptomatically infected person”.
SINO ANG
NAPOPROTEKTAHAN NITO?
Makalipas ang sampung buwan may mas mabuting ideya na tayo kung sino ang pinaka nanganganib.
Matatanda, kalalakihan at mga taong dumaranas ng obesity, diabetes o hypertension ang kabilang sa mga pinakamalapit na mahawa ng sakit.
Ngunit hindi ibinahagi ng Pfizer at BioNTech kung epektibo ba ang kanilang bakuna para sa bulnerableng grupo.
“In scientific publications, we see stratification of individuals, according to their age, the presence of comorbidities (underlying medical conditions), ethnic origin, etc,” paliwanag ni Pitard.
“Here we have none of that.”
SINO ANG MABIBIGYAN?
Ang bakunang binubuo ng Pfizer at BioNTech — kasama ng isa pang bakuna mula sa US firm Moderna — ay kinapapalooban ng pag-i-inject sa katawan ng strands of genetic instructions na tinatawag na “messenger RNA”, na nagsasabi sa ating cells kung paano lalabanan ang coronavirus.
Isang mahalagang “downside” ng new messenger RNA vaccines ay kailangan itong ilagak napakababang temperatura—sa kaso nito -70 degrees Celsius — bagamat maaari itong itabi sa fridge ng hanggang limang araw.
Ang kinakailangang “very low storage temperature” ay maaaring maging problema sa mga mahihirap na bansa sa Global South, ayon kay Toby Peters, Professor ng Cold Economy sa University of Birmingham.
“Nowhere on the planet does the logistical capacity exist to distribute vaccines at this temperature and volume without massive investment,” aniya, na idinagdag na “we cannot allow this to become, by default, a divided solution [between haves and have-nots].”
Agence France-Presse