NAKAKUHA kamakailan ng mga patay na isda na tinatayang 10 kilo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa tubig ng Manila Bay sa lugar malapit sa Baseco, Maynila. Nangyari ito sa gitna ng kontrobersiya hinggil sa ginagawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pagpapapaputi ng baybayin ng Manila Bay sa pamamagitan ng pagtatambak ng dinurog na dolomite malapit sa Baywalk, sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, walang kaugnayan ang kanilang proyekto sa naganap na fish kill. Malayo, aniya, sa proyekto ang lugar kung saan nakita at nakuha ang mga patay na isda. Bago ang fish kill, nagbabala na ang mga dalubhasa sa panganib na idudulot ng itinambak na dolomite. Sa pakikipagpanayam ng isang pahayagan kay Jay Batungbacal, director of the Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea of University of the Philippines, sinabi niya na lalabo ang medyo malinaw nang tubig sa Manila Bay, at makakaapekto sa mga sensitibong laman dagat sa ginagawang pagtatambak. Hindi pa rin natin alam, aniya, kung ano ang magiging epekto kapag nakihalo na ang dolomite sa mga dumi at material na hinawaan na ang tubig. Pag-aaksaya lamang daw ito ng oras at salapi.
May kaugnayan man o wala ang naganap na fish kill sa pagtambak ng dolomite, hindi ito ang isyu, kasi, hindi lang naman ngayon nagkaroon ng fish kill sa Manila Bay. Noong Oktubre ng nakaraang taon, may 30 tub na patay na isda na nagkakahalaga ng P700,000 ang nakuha sa Las Pinas-Paranaque Wetland Park. Ang isyu ay bakit ang pagtambak ng dolomite ang siya kaagad inuna gayong hindi naman ito masasabing rehabilitasyon na iniatas ng Korte Suprema sa writ of kalikasan case. Hindi pagpapaganda na siyang sinasabi ng DENR, kundi ang paglilinis ng polluted water para ito maging sariwa. Ang fish kill sa Baseco ay nagpapatunay na hindi nagagawa ng DENR ang kanyang tungkulin. Sinabi ni BFAR Executive Director Eduardo Gongona sa mga opisyal ng Maynila na gumawa sila ng quality at microbiological analysis ng mga isda sa sampling sites ng Baseco beach area, Pasig River mouth area, barge docking area at Aplaya area. Ang quality test results ay nagpapakita na masyadong mababa ang lebel ng dissolved oxygen sa Baseco beach area.
Ang dapat na inuuna ng DENR ay gumawa ng paraan, at ito dapat ang ginagastusan, para mahinto ang pagtatapon ng basura at maruming tubig na umaagos sa Manila Bay. O kaya ay gumawa ng sewage treatment plant upang ang maruming tubig ay malinis bago tuluyang dumaloy sa Manila Bay. Ginawa ito ng Ayala Manila Waterwork Co. sa Antipolo na tinawag na Hinulugang Taktak Sewage Treatment Plant upang matiyak na ang maruming tubig ay nalilinis bago tumungo sa Hinulugang Taktak Falls. Eh ang Manila Waterworks at Maynilad Water Services ay may obligasyon sa gobyerno na magtayo ng wastewater treatment plant upang mapigil ang pagdaloy ng dumi sa Manila Bay. Bakit hindi pwersahin ng DENR ang dalawang water concessionaire na ito na tuparin ang kanilang obligasyon dahil hanggang hindi nangyayari ito, ayon kay Buhay Party List Rep. Lito Atienza, walang kwenta ang ginagawang pagpapaputi ng baybayin. Pollution lang iyang dinurog na dolomite.
-Ric Valmonte