BIHIRA akong humanga at pumuri sa mga opisyal ng militar at pulis sa tagal na pagko-cover ko sa mga kampo sa buong bansa, lalo na rito sa Metro Manila, bilang beat reporter sa main stream media sa nakaraang apat na dekada.
Mas pinapaboran ko kasi noon ang mga tropang operatiba na mababa ang ranggo, at palaging nasa unahan ng mga operasyon upang malutas ang malalaking kaso. Sila ang palaging nakaaalam ng puno’t dulo ng anumang kuwento o balita, isama na natin dito, pati ang mga detalyeng nasa loob ng mga kulay pulang folder na may salitang CONFIDENTIAL sa harapan nito.
Kaya nga sa mga operatibang ito ako palaging nakabuntot, sila ang aking kinakaibigan at pinipilit na makuha ang pagtitiwala upang makasama sa lahat nilang lakad. Yun lang sa isang kondisyon – ‘di ko sila pwedeng banggitin sa aking mga kuwento. Kakaiba sila ‘di ba? Karamihan kasi ng opisyal, dapat palaging nakadikit ang kanilang pangalan sa malalaking balita.
Ang katuwiran ko kasi noon ay – wala sa mga star-rank officer ang malalaking breaking news, bagkus ay sa mga operatiba na siyang tumatrabaho para malutas ang kaso. Kapiranggot na impormasyon lamang palagi ang alam nang opisyal, samantalang ang buong kulay ng istorya – mula sa maliit na detalye hanggang sa maganap ang krimen – ay alam na alam ng “lowly investigators” ng mga operating unit.
Nalalaman lamang ng mga opisyal ang buong kuwento kapag tapos na ang buong operasyon at naipadala na sa kanila ang “after operation report” na ang nagsulat – siyempre ‘yung lead investigator ng buong team na trumabaho sa kaso.
Medyo masuwerte ako sa bagay na ito dahil karamihan sa magagaling na nadikitan kong operatiba noon ay mga naging opisyal na rin. ‘Yung mga dating aide ng mga heneral – ay mga naging heneral na rin, ‘yung ilan ay binuwenas at naging hepe pa nga ng Philippine National Police (PNP).
Sa hanay ng mga nababasa at naririnig natin sa ngayon na mga opisyal ng PNP at AFP parang hirap akong makahanap nang matatawag kong matikas -- hindi puro talkies bagkus mabilis ito sa paggawa.
Pero kahapon, sa lingguhang news forum na Balitaan Sa Maynila, nagulat ako sa naging pagtugon ng isang PNP officer sa isang reklamong inihain ng ilang kababayan nating taga-Laguna. Ang naibulong ko sa aking sarili ay: “Aba’y mayroon pa rin palang matikas na opisyal (star-rank-general) ngayon sa PNP.”
Ang tinutukoy kong opisyal ay si General Guillermo T. Eleazar, PNP Deputy Chief for Administration, na naging resource speaker sa Balitaan sa Maynila weekly news forum.
Bilang tugon niya sa tanong na kung pwede nang magbukas ang mga beerhouse, restaurant sa lalawigan ng Laguna – na ‘di sumusunod sa social distancing ang mga customer pero ‘di naman pinapansin ng mga pulis sa lugar – ay agad niyang tinawagan sa cellular phone ang Chief of Police (COP) sa sinasabing munisipyo. Nang ‘di ito sumagot ay sa “tactical operation center” ng Regional Office sa Laguna siya tumawag, sinita ang mga ito sa impormasyong nakuha, at agad na inutusan ang kausap na pagtawagin sa kanya ang kanilang COP.
Makaraan ang ilang oras, nalaman ko na lamang tuluyan na palang ipinasara lahat ng mga puwesto na ‘di sumunod sa tamang panuntunan ng pamahalaan bilang paglaban sa pagkalat ng COVID-19.
Matikas na police officer at kalibreng pang-Chief, PNP --- yan si General Eleazar. Kumpleto sa gawa at salita sa pagtupad sa kanyang tungkulin.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.