SINAGOT ni ABS-CBN Entertainment head Direk Laurenti Dyogi ang mga tanong kung ano na ang mangyayari sa Kapamilya network dahil nag-aalisan na ang mga artista nila at nagpa-manage na sa iba bukod pa sa tumanggap ng project sa ibang TV network.
Sa kanyang vlog ay ipinaliwanag mabuti ni direk Laureti kung ano ang estado ng Kapamilya stars, mga ginagawa nilang proyekto at iba pa.
Sa kanyang vlog ay may nakalagay na, ’May mga balita na lilipat ang mga Kapamilya Stars sa ibang network. Ano kaya ang mga nangyayari sa Kapamilya Channel?’
Ayon sa TV executive, “Being the head of Entertainment ng ABS-CBN, I will try to give you insights and usapin showbiz lalo na sa Kapamilya network.
“Alam n’yo kahit may pandemya at wala kaming franchise for Free TV hindi naman po kami tumigil sa paggawa ng mga programa mula noong ECQ we’re doing fresh episodes on zoom para sa Magandang Buhay, sa Showtime at sa ASAP. Nakagawa rin po kami ng isang konsyerto ang Pangtawid ng Pag-Ibig, isang fund-raising para makatulong sa ating mga kababayan.”
Base rin sa mga nakausap naming taga-ibang network ay bilib sila sa ABS-CBN dahil sa kabila ng pagsasara at pandemya ay ang lakas pa rin ng loob nilang mag-produce ng mga programa at take note, sabay-sabay pa ang tapings, huh? Hindi one at a time.
May mga programang replay ang ABS-CBN pero ito ‘yung panahong naka-lockdown ang Metro Manila at pinagbawalang mag-shoot/taping. Kaya naman nu’ng may hudyat nang puwede na uli ang entertainment ay hindi nagsayang ng oras ang Kapamilya network at kaagad nilang pinabalik ang lahat sa taping wth proper health protocol.
Sabi pa nga suicidal ang ginagawa ng Dos dahil pawang live ang shows nila at hindi idinadaan sa zoom kaya magastos.
“Mahal ang gumawa ng mga programa ngayon dahil po sa safety protocols at dahil wala nga po kami sa Free TV, e, ang kita po namin kung ikukumpara sa kilohan, e, halos isang guhit na lang.
“Kung iisipin lang po namin ang kita ng kumpanya mas madali pong tumigil at hindi gumawa ng mga teleserye ng mga programa at mag-replay na lang po kami.
“Pero sa tingin po namin sa panahon ngayon ay matugunan ang commitment to serve sa ating mga kababayan dahil sila po ngayon ay naghahanap ng konting aliw para maibsan ang kanilang hirap sa panahong ito.
“Gusto po naming makatulong sa ekonomiya kaya po kailangan naming mag-produce ng programa bigyan po natin ng hanapbuhay ang ating mga manggagawa at mga artista.
“Pero ang mas importanteng balita, kami po at karamihan ng aming mga artista, mga tao at mga manggagawa ay pumayag po na magbawas ng suweldo at talent fees para lang para po matuloy ang paggawa namin ng programa para po sa ikabubuti ng karamihan. Ito po ang maganda sa panahon ng krisis ay nagtulung-tulong,’’ pahayag ni direk Laurenti.
Abangan naman ang mga bagong teleserye ng Kapamilya network na malapit nang mananood ang Walang Hanggang Paalam, Cara Y Cruz, at ang pagsasamahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Tahimik lang ang Star Cinema pero kasalukuyang nagso-shooting na sila ng mga pelikulang U-Turn (last 2 days), Four Sisters Before the Wedding, Love or Money at ang pelikula ni Vice Ganda na entry sa 2020 Metro Manila Film Festival.
Sa digital show naman ay ang mga sumusunod The Four Bad Boys and Me, Ask Angelica, He’s Into Her at ang Apollo: Daniel Padilla Digital Concert.
Kasalukuyang umeere ang Magandang Buhay, It’s Showtime at ang longest running show na FPJ’s Ang Probinsyano. Nagkabiruan nga na baka sa pagbubukas ng bagong ABS-CBN na magtatapos ang aksyon serye ni Coco Martin.
Ini-launch kamakailan ang seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin, at ang mga programang istorya ng kabayanihan ng mga Pinoy na Paano Kita Pasasalamatan at Iba ‘Yan.
Samantala, masayang ibinalita rin ni direk Laurenti na nakarating sa kanila na maraming manager at network na nag-offer sa kanilang mga artista na iisa lang ang ibig sabihin, “de kalibre at in demand ang aming Kapamilya stars.”
Dagdag pa, ‘’Ang mas magandang balita pong natanggap namin ay marami kaming nakausap na mga artista na they will stay loyal and they will stick it out with the Kapamilya network hanggang ito po ay makabangon, tutulong po sila sa pagtaguyod hanggang sa pagbangon ng bagong ABS-CBN.”
Ang ilan sa mga nabasa naming reaksyon sa vlog ni direk Laurenti.
Mula kay @Mike L, I’m so happy to hear this. I’m not holding on to the network because of blind loyalty but for its quality, message, dedication, and purpose. Now that the company is down, it only means that it’s going up and I’m excited for it. It’s now time for you to create the new age of Philippine entertainment industry!!!
Sabi naman ni @Elizabeth Ng, “Yeah, in any field, ABS always excel as in digitals.
At say ni @Garry Lasaga, “ABS-CBN has the widest array of content from FB, YouTube, Twitter, IG, Kumu, iWantTfc etc! #KapamilyaForever.”
-Reggee Bonoan